87
 1 Ang lungsod ng Panginoon ay naitatag sa banal na mga kabundukan.  2 Mas minamahal ni Yahweh ang mga tarangkahan ng Sion kaysa sa lahat ng mga tolda ni Jacob.  3 Mga maluwalhating bagay ay sinabi sa iyo, lungsod ng Diyos. Selah  4 Binanggit ko ang Rahab at Babilonia sa mga tagasunod ko. Masdan ninyo, may Filistia, at Tiro, kasama ang Etiopia. Ang isang ito ay ipinanganak doon.  5 Sa Sion ay sasabihin ito, “Bawat isa rito ay ipinanganak sa kaniya; at ang Kataas-taasan mismo ang magtatatag sa kaniya.”  6 Tinatandaan ni Yahweh habang inililista niya ang mga tao, “Ang isang ito ay ipinanganak doon.” Selah  7 Kaya sinasabi ng mang-aawit at mananayaw, “Ang lahat ng aking bukal ng tubig ay nasa iyo.”