112
 1 Purihin si Yahweh. Mapalad ang tao na sumusunod kay Yahweh, na siyang labis na nagagalak sa kaniyang mga kautusan.  2 Ang kaniyang mga kaapu-apuhan ay magiging makapangyarihan sa mundo; ang salinlahi ng maka-diyos ay pagpapalain.  3 Kasaganaan at kayamanan ay nasa kaniyang tahanan; ang kaniyang katuwiran ay mananatili magpakailanman.  4 Nagliliwanag ang ilaw sa kadiliman para sa maka-diyos; siya ay mapagbigay-loob, maawain, at makatarungan.  5 Umaayos ang buhay ng taong nakikitungo nang may kahabagan at nagpapahiram ng salapi, ng nagsasagawa ng kaniyang mga gawain nang may katapatan.  6 Dahil siya ay hindi kailanman matitinag; ang matuwid ay maaalala magpakailanman.  7 Hindi siya natatakot sa masamang balita; siya ay panatag at nagtitiwala kay Yahweh.  8 Mapayapa ang kaniyang puso, walang takot, hanggang siya ay magtagumpay laban sa kaniyang mga kaaway.  9 Bukas-palad siyang nagbibigay sa mga mahihirap; ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman; siya ay maitataas nang may karangalan.  10 Makikita ito ng masamang tao at magagalit; magngangalit ang kaniyang mga ngipin at matutunaw; ang pagnanais ng masasama ay mawawala.