121
 1 Itataas ko ang aking mga mata sa mga bundok. Mula saan manggagaling ang aking saklolo?  2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Yahweh, na gumawa ng langit at lupa.  3 Hindi niya papayagang madulas ang paa mo; siya na nag-iingat sa iyo ay hindi iidlip.  4 Tingnan mo, ang tagapangalaga ng Israel ay hindi kailanman iidlip o matutulog.  5 Tagapangalaga ninyo si Yahweh; si Yahweh ay lilim sa inyong kanang kamay.  6 Hindi ka masasaktan ng araw sa umaga, ni ng buwan sa gabi.  7 Iingatan ka ni Yahweh sa lahat ng kapahamakan, at iingatan niya ang iyong buhay.  8 Iingatan ni Yahweh ang lahat ng iyong ginagawa ngayon at magpakailanman.