1 At si Abraham ay nagasawa ng iba, at ang pangalan ay Cetura.
2 At naging anak nito sa kaniya si Zimram at si Joksan, at si Medan, at si Midiam, at si Ishbak, at si Sua.
3 At naging anak ni Joksan si Seba at si Dedan. At ang mga anak na lalake ni Dedan, ay si Assurim at si Letusim, at si Leummim.
4 At ang mga anak ni Midian: si Epha at si Epher, at si Enech, at si Abida, at si Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Cetura.
5 At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kaniyang tinatangkilik kay Isaac.
6 Datapuwa't ang mga anak ng naging mga babae ni Abraham, ay pinagbibigyan ni Abraham ng mga kaloob; at samantalang nabubuhay pa siya ay mga inilayo niya kay Isaac na kaniyang anak sa dakong silanganan sa lupaing silanganan.
7 At ito ang mga araw ng mga taon ng buhay na ikinabuhay ni Abraham, isang daan at pitong pu't limang taon.
8 At nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at nalakip sa kaniyang bayan.
9 At inilibing siya ni Isaac at ni Ismael na kaniyang mga anak sa yungib ng Macpela, sa parang ni Ephron, na anak ni Zohar na Hetheo, na nasa tapat ng Mamre;
10 Sa parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Heth: doon inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa.
11 At nangyari, pagkamatay ni Abraham, na pinagpala ng Dios si Isaac na kaniyang anak; at si Isaac ay nanahan sa tabi ng Beer-lahai-roi.
12 Ang mga ito nga ang sali't saling lahi ni Ismael, anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Agar na taga Egipto, na alila ni Sara:
13 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa kanikaniyang lahi: ang panganay ni Ismael ay si Nabaioth; at si Cedar, at si Adbeel, at si Mibsam,
14 At si Misma, at si Duma, at si Maasa,
15 At si Hadad, at si Tema, si Jetur, si Naphis, at si Cedema:
16 Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanikaniyang pangalan, ayon sa kanikaniyang nayon, at ayon sa kanikaniyang hantungan: labing dalawang pangulo ayon sa kanilang bansa.
17 At ito ang mga naging taon ng buhay ni Ismael, isang daan at tatlong pu't pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya'y nalakip sa kaniyang bayan.
18 At nagsisitahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na natatapat sa Egipto, kung patutungo sa Asiria; siya'y tumahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid.
19 At ito ang mga sali't saling lahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac,
20 At si Isaac ay may apat na pung taon, nang siya'y magasawa kay Rebeca, na anak ni Bethuel na taga Siria sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na taga Siria.
21 At nanalangin si Isaac sa Panginoon dahil sa kaniyang asawa, sapagka't baog; at nadalanginan niya ang Panginoon, at si Rebeca na kaniyang asawa ay naglihi.
22 At nagbubuno ang mga bata sa loob niya; at kaniyang sinabi, Kung ganito'y bakit nabubuhay pa ako? At siya'y yumaong nagsiyasat sa Panginoon.
23 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dalawang bansa ay nasa iyong bahay-bata, At dalawang bayan ay papaghihiwalayin mula sa iyong tiyan: At ang isang bayan ay magiging malakas kaysa isang bayan; At ang matanda ay maglilingkod sa bata.
24 At nang matupad ang mga araw ng kaniyang kapanganakan, narito't kambal sa kaniyang bahay-bata.
25 At ang unang lumabas ay mapula na buong katawa'y parang mabalahibong damit; at siya'y pinanganlang Esau.
26 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, at ang kaniyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; at ipinangalan sa kaniya ay Jacob: at si Isaac ay may anim na pung taon na, nang sila'y ipanganak ni Rebeca.
27 At nagsilaki ang mga bata; at si Esau ay naging maliksi sa pangangaso, lalake sa parang; at si Jacob ay lalaking tahimik, na tumatahan sa mga tolda.
28 Minamahal nga ni Isaac si Esau, sapagka't kumakain ng kaniyang pinangangasuhan: at minamahal ni Rebeca si Jacob.
29 At nagluto si Jacob ng lutuin: at dumating si Esau na galing sa parang, at siya'y nanglalambot:
30 At sinabi ni Esau kay Jacob, Ipinamamanhik ko sa iyo na pakanin mo ako niyaong mapulang lutuin; sapagka't ako'y nanglalambot: kaya't tinawag ang pangalan niya na Edom.
31 At sinabi ni Jacob, Ipagbili mo muna sa akin ang iyong pagkapanganay.
32 At sinabi ni Esau, Narito, ako'y namamatay: at saan ko mapapakinabangan ang pagkapanganay?
33 At sinabi ni Jacob, Isumpa mo muna sa akin; at isinumpa niya sa kaniya: at kaniyang ipinagbili ang kaniyang pagkapanganay kay Jacob.
34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilutong lentehas; at siya'y kumain, at uminom, at bumangon at yumaon: gayon niwalang halaga ni Esau ang kaniyang pagkapanganay.