Home

Ruth

Kabanata: 1 2 3 4


-Reset+

Kabanata 4

1 Si Booz nga'y sumampa sa pintuang-bayan, at naupo siya roon: at, narito, ang malapit na kamaganak na sinalita ni Booz ay nagdaan; sa lalaking yao'y sinabi niya, Oy, kuwan! lumiko ka, maupo ka rito. At siya'y lumiko, at naupo.
2 At siya'y kumuha ng sangpung lalake sa mga matanda sa bayan, at sinabi, Maupo kayo rito. At sila'y naupo.
3 At sinabi niya sa malapit na kamaganak, Ipinagbibili ni Noemi, na bumalik na galing sa lupain ng Moab, ang bahagi ng lupa, na naging sa ating kapatid na kay Elimelech:
4 At aking inisip na ipahayag sa iyo, na sabihin, Bilhin mo sa harap nilang nakaupo rito, at sa harap ng mga matanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; nguni't kung hindi mo tutubusin ay saysayin mo nga, upang matalastas ko: sapagka't wala nang tutubos na iba pa liban sa iyo: at ako ang sumusunod sa iyo. At sinabi niya, Aking tutubusin.
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Booz, Anomang araw na iyong bilhin ang parang sa kamay ni Noemi, ay marapat na iyong bilhin din ang kay Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana.
6 At sinabi ng malapit na kamaganak, Hindi ko matutubos sa ganang akin, baka masira ang aking sariling mana: iyo na ang aking matuwid ng pagtubos; sapagka't hindi ko matutubos.
7 Ito nga ang kaugalian ng unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalit, upang patotohanan ang lahat ng mga bagay; hinuhubad ng isa ang kaniyang pangyapak, at ibinibigay sa kaniyang kapuwa: at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.
8 Sa gayo'y sinabi ng malapit na kamaganak kay Booz, Bilhin mo sa ganang iyo. At hinubad niya ang kaniyang pangyapak.
9 At sinabi ni Booz sa mga matanda at sa buong bayan, Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelech, at lahat na kay Chelion, at kay Mahalon, sa kamay ni Noemi.
10 Bukod dito'y si Ruth na Moabita, na asawa ni Mahalon, ay aking binili na maging aking asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag mahiwalay sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kaniyang dako: kayo'y mga saksi sa araw na ito.
11 At ang buong bayan na nasa pintuang-bayan, at ang mga matanda ay nagsabi, Kami ay mga saksi. Gawin ng Panginoon ang babae na pumapasok sa iyong bahay, na gaya ni Rachel at gaya ni Lea, na silang dalawa ang nagtatag ng sangbahayan ni Israel, at maging makapangyarihan ka sa Ephrata, at maging bantog sa Bethlehem:
12 At ang iyong sangbahayan ay maging gaya ng sangbahayan ni Phares, na ipinanganak ni Thamar kay Juda, sa binhi na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa batang babaing ito.
13 Sa gayo'y kinuha ni Booz si Ruth, at siya'y naging kaniyang asawa; at siya'y sumiping sa kaniya, at pinapaglihi ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalake.
14 At sinabi ng mga babae kay Noemi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon na hindi ka binayaan sa araw na ito, na mawalan ng isang malapit na kamaganak; at maging bantog nawa ang kaniyang pangalan sa Israel.
15 At siya'y magiging sa iyo ay isang tagapagsauli ng buhay, at tagapagkandili sa iyong katandaan: sapagka't ang inyong manugang na nagmamahal sa iyo, ay nagkaanak sa kaniya, at siya'y mahigit pa sa iyo kay sa pitong anak.
16 At kinuha ni Noemi ang bata, at inihilig sa kaniyang kandungan, at siya'y naging yaya.
17 At nilagyan ng pangalan ng mga babaing kaniyang kapitbahay, na sinasabi, May isang lalake na ipinanganak kay Noemi; at tinawag nila ang pangalan niya na Obed; siya ang ama ni Isai, na ama ni David.
18 Ito nga ang mga lahi ni Phares: naging anak ni Phares si Hesron;
19 At naging anak ni Hesron si Ram, at naging anak ni Ram si Aminadab;
20 At naging anak ni Aminadab si Nahason, at naging anak ni Nahason si Salmon:
21 At naging anak ni Salmon si Booz, at naging anak ni Booz si Obed;
22 At naging anak ni Obed si Isai, at naging anak ni Isai si David.