1 At binilang ni David ang bayan na kasama niya, at naglagay ng mga puno ng mga libolibo, at puno ng mga daandaan sa kanila.
2 At pinayaon ni David ang bayan, ang isang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Joab, at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Ittai na Getheo. At sinabi ng hari sa bayan, Walang pagsalang ako'y lalabas na kasama ninyo.
3 Nguni't sinabi ng bayan, Huwag kang lalabas: sapagka't kung kami man ay tumakas, ay hindi nila kami aalumanahin, o kung ang kalahati man namin ay mamatay, ay hindi nila kami aalumanahin: nguni't ikaw ay may halagang sangpung libo sa amin: kaya't ngayo'y lalong maigi na ikaw ay maghanda na iyong saklolohan kami mula sa bayan.
4 At sinabi ng hari sa kanila, Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin. At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, at ang buong bayan ay lumabas na daan daan at libolibo.
5 At ang hari ay nagutos kay Joab at kay Abisai, at kay Ittai, na nagsasabi, Inyong gamitan ng kaawaan, alangalang sa akin, ang binata, sa makatuwid baga'y si Absalom. At narinig ng buong bayan nang ipagbilin ng hari sa lahat ng punong kawal ang tungkol kay Absalom.
6 Sa gayo'y lumabas ang bayan sa parang laban sa Israel; at ang pagbabaka ay nasa gubat ng Ephraim.
7 At ang bayan ng Israel ay nasaktan doon sa harap ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na yaon, na may dalawang pung libong lalake.
8 Sapagka't doon ang pagbabaka ay nakalat sa ibabaw ng buong lupain: at ang gubat ay lumamon ng higit na bayan sa araw na yaon kay sa nilamon ng tabak.
9 At nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. At si Absalom ay nakasakay sa kaniyang mula, at ang mula ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina, at ang kaniyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y nabitin; at ang mula na nasa ilalim niya ay nagpatuloy.
10 At nakita siya ng isang lalake at isinaysay kay Joab, at sinabi, Narito, aking nakita si Absalom na nakabitin sa isang ensina.
11 At sinabi ni Joab sa lalaking nagsaysay sa kaniya, At, narito, iyong nakita, at bakit hindi mo sinaktan doon sa lupa? at nabigyan sana kita ng sangpung putol na pilak, at isang pamigkis.
12 At sinabi ng lalake kay Joab, Bagaman ako'y tatanggap ng isang libong putol na pilak sa aking kamay, gayon ma'y hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari: sapagka't sa aming pakinig ay ibinilin ng hari sa iyo, at kay Abisai, at kay Ittai, na sinabi, Ingatan ninyo na huwag galawin ninoman ang binatang si Absalom.
13 Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng paglililo laban sa kaniyang buhay (at walang bagay na makukubli sa hari,) ikaw man sa iyong sarili ay mananayong laban sa akin.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, Hindi ako makatitigil ng ganito sa iyo. At siya'y kumuha ng tatlong pana sa kaniyang kamay at pinalagpas sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buhay pa sa gitna ng ensina.
15 At sangpung bataan na tagadala ng sandata ni Joab ay kumubkob at sinaktan si Absalom, at pinatay siya.
16 At hinipan ni Joab ang pakakak, at ang bayan ay bumalik na mula sa paghabol sa Israel: sapagka't pinigil ni Joab ang bayan.
17 At kanilang kinuha si Absalom at inihagis nila siya sa malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato: at ang buong Israel ay tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.
18 Si Absalom nga sa kaniyang kabuhayan ay nagpasiya at nagtayo sa ganang kaniya ng haligi, na pinaka alaala, na nasa libis ng hari: sapagka't kaniyang sinasabi, Wala akong anak na magiingat ng alaala ng aking pangalan: at kaniyang tinawag ang haligi ng ayon sa kaniyang sariling pangalan: at tinawag na monumento ni Absalom, hanggang sa araw na ito.
19 Nang magkagayo'y sinabi ni Ahimaas na anak ni Sadoc, Patakbuhin mo ako ngayon, at magdala ng balita sa hari, kung paanong iginanti siya ng Panginoon sa kaniyang kaaway.
20 At sinabi ni Joab sa kaniya, Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito: kundi magdadala ka ng balita sa ibang araw: nguni't sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagka't ang anak ng hari ay namatay.
21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, Yumaon ka na saysayin mo sa hari kung ano ang iyong nakita. At ang Cusita ay yumukod kay Joab, at tumakbo.
22 Nang magkagayo'y nagsabi pa uli si Ahimaas na anak ni Sadoc kay Joab, Nguni't sa anomang kahinatnan, isinasamo ko sa iyo, na ako naman ay iyong patakbuhin na kasunod ng Cusita. At sinabi ni Joab, Bakit tatakbo ka, anak ko, dangang wala kang mapapala ng dahil sa balita?
23 Nguni't sa anomang kahinatnan, ako'y tatakbo. At sinabi niya sa kaniya, Tumakbo ka. Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaas sa daan ng kapatagan, at inunahan ang Cusita.
24 Si David nga ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan: at ang bantay ay sumampa sa ibabaw ng pintuang-bayan, sa kuta, at itinanaw ang kaniyang mga mata, at tumingin, at narito, isang lalake ay tumatakbong nagiisa.
25 At sumigaw ang bantay, at isinaysay sa hari. At sinabi ng hari, Kung siya'y nagiisa, may balita sa kaniyang bibig. At siya'y nagpatuloy at lumapit.
26 At ang bantay ay nakakita ng ibang lalake na tumatakbo at tinawag ng bantay ang tanod-pinto, at sinabi, Narito, may ibang lalake na tumatakbong nagiisa. At sinabi ng hari, Siya'y may dala ring balita.
27 At sinabi ng bantay, Inaakala ko na ang takbo ng una ay gaya ng takbo ni Ahimaas na anak ni Sadoc. At sinabi ng hari, Siya'y mabuting lalake at napariritong may mabuting balita.
28 At tumawag si Ahimaas at nagsabi sa hari, Lahat ay mabuti. At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, Purihin ang Panginoon mong Dios, na nagbigay ng mga lalaking nagsipagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoon na hari.
29 At sinabi ng hari, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot si Ahimaas. Nang suguin ni Joab, ang lingkod ng hari, sa makatuwid baga'y ako na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking pagkakagulo, nguni't hindi ko nalalaman kung ano.
30 At sinabi ng hari, Pumihit ka, at tumayo ka rito. At siya'y pumihit at tumayo.
31 At, narito, ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, Balita sa aking panginoon na hari: sapagka't iginanti ka ng Panginoon sa araw na ito doon sa lahat na nagsibangon laban sa iyo.
32 At sinabi ng hari sa Cusita, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot ang Cusita, Ang mga kaaway ng aking panginoon na hari, at yaong lahat na nagsibangon laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng binatang yaon.
33 At ang hari ay nagulumihanan, at sumampa sa silid na nasa ibabaw ng pintuang bayan, at umiyak: at habang siya'y yumayaon, ganito ang sinasabi niya, Oh anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Mano nawa'y ako ang namatay na kahalili mo, Oh Absalom, anak ko, anak ko!