1 At pinulong ni David ang lahat na prinsipe sa Israel, ang mga prinsipe ng mga lipi, at ang mga punong kawal ng mga pulutong na nagsisipaglingkod sa hari ayon sa halinhinan, at ang mga punong kawal ng lilibuhin, at ang mga punong kawal ng dadaanin, at ang mga katiwala sa lahat ng tinatangkilik at pag-aari ng hari at ng kaniyang mga anak, na kasama ng mga pinuno at ng mga makapangyarihang lalake, lahat na makapangyarihang lalaking matapang, sa Jerusalem.
2 Nang magkagayo'y tumayo si David na hari sa kaniyang mga paa, at nagsabi, Dinggin ninyo ako: mga kapatid ko, at bayan ko sa ganang akin, na sa aking puso ang ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng Panginoon, at upang tungtungan ng mga paa ng ating Dios; at ako'y humanda sa pagtatayo.
3 Nguni't sinabi ng Dios sa akin, Huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka't ikaw ay lalaking mangdidigma, at nagbubo ka ng dugo.
4 Gayon ma'y pinili ako ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa buong sangbahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailan man: sapagka't kaniyang pinili ang Juda upang maging pangulo: at sa sangbahayan ng Juda, ang sangbahayan ng aking ama; at sa gitna ng mga anak ng aking ama ay kinaluguran niya ako upang gawin akong hari sa buong Israel:
5 At sa lahat ng aking mga anak (sapagka't binigyan ako ng Panginoon ng maraming anak,) pinili niya si Salomon na aking anak upang umupo sa luklukan ng kaharian ng Panginoon sa Israel.
6 At kaniyang sinabi sa akin, Si Salomon na iyong anak ay siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban; sapagka't aking pinili siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kaniyang ama.
7 At aking itatatag ang kaniyang kaharian magpakailan man, kung kaniyang pamamalagiang sundin ang aking mga utos at ang aking mga kahatulan, gaya sa araw na ito.
8 Ngayon nga'y sa paningin ng buong Israel, ng kapisanan ng Panginoon, at sa pakinig ng ating Dios, sundin at suriin ang lahat na utos ng Panginoon ninyong Dios: upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwang pinakamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo, magpakailan man.
9 At ikaw, Salomon na aking anak, kilalanin mo ang Dios ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng sakdal na puso at ng kusang pagiisip: sapagka't sinasaliksik ng Panginoon ang lahat na puso, at naaalaman ang lahat na akala ng pagiisip: kung iyong hanapin siya, ay masusumpungan siya sa iyo; nguni't kung pabayaan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailan man.
10 Magingat ka ngayon; sapagka't pinili ka ng Panginoon upang ipagtayo mo ng bahay ang santuario; magpakalakas ka, at gawin mo.
11 Nang magkagayo'y ibinigay ni David kay Salomon na kaniyang anak ang anyo ng portiko ng templo, at ng mga kabahayan niyaon, at ng mga ingatang-yaman niyaon, at ng mga mataas na silid niyaon, at ng mga pinakaloob na silid niyaon, at ng dakong luklukan ng awa:
12 At ang anyo ng lahat na kaniyang naisip sa pamamagitan ng Espiritu tungkol sa mga looban ng bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng silid sa palibot, tungkol sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios, at tungkol sa mga ingatang-yaman ng mga natalagang bagay:
13 Tungkol din naman sa mga bahagi ng mga saserdote at ng mga Levita, at tungkol sa lahat na gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat na kasangkapan na ipinaglilingkod sa bahay ng Panginoon.
14 Sa ginto na ang timbang na ukol sa mga kasangkapang ginto, sa lahat na kasangkapan ng sarisaring paglilingkod; sa pilak na ukol sa lahat ng kasangkapan na pilak ang timbang, sa lahat na kasangkapan ng sarisaring paglilingkod:
15 Na ang timbang din naman na ukol sa mga kandelero na ginto, at sa mga ilawan niyaon, na ginto: na ang timbang sa bawa't kandelero at sa mga ilawan niyaon: at sa mga kandelerong pilak, pilak na ang timbang sa bawa't kandelero, at sa mga ilawan niyaon, ayon sa kagamitan sa bawa't kandelero:
16 At ang ginto na ang timbang na ukol sa mga dulang ng tinapay na handog, na ukol sa bawa't dulang; at pilak na ukol sa mga dulang na pilak:
17 At ang mga panduro, at ang mga mangkok, at ang mga saro, na taganas na ginto: at sa mga gintong taza ay ang timbang sa bawa't taza; at sa mga pilak na taza ay ang timbang sa bawa't taza;
18 At sa dambana ng kamangyan ay gintong dalisay ayon sa timbang: at ginto sa anyo ng karo, sa makatuwid baga'y ang mga querubin na nakabuka ang mga pakpak at lumililim sa kaban ng tipan ng Panginoon.
19 Lahat ng ito'y, sabi ni David, aking naalaman sa sulat na mula sa kamay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y lahat ng gawain sa anyong ito.
20 At sinabi ni David kay Salomon na kaniyang anak, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang, at gawin mo: huwag kang matakot, o manglupaypay man; sapagka't ang Panginoong Dios, na aking Dios, ay sumasaiyo; hindi ka niya iiwan, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat na gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay matapos.
21 At, narito, may mga bahagi sa mga saserdote at sa mga Levita, na ukol sa lahat na paglilingkod sa bahay ng Dios: at magkakaroon sa iyo sa lahat ng sarisaring gawain ng bawa't may kusang kaloobang tao na bihasa sa sarisaring paglilingkod: ang mga punong kawal naman at ang buong bayan ay lubos na sasa iyong utos.