1 Nang ikalabing walong taon ng haring Jeroboam ay nagpasimula si Abias na maghari sa Juda.
2 Tatlong taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Michaia na anak ni Uriel na taga Gabaa. At nagkaroon ng digmaan si Abias at si Jeroboam.
3 At si Abias ay nagpisan sa pakikipagbaka ng isang hukbo na matatapang na lalaking mangdidigma, na apat na raang libo, na mga piling lalake: at humanay si Jeroboam sa pakikipagbaka laban sa kaniya na may walong daang libo, na piling mga lalake, na mga makapangyarihang lalaking may tapang.
4 At si Abias ay tumayo sa bundok ng Semaraim, na nasa lupaing maburol ng Ephraim, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Jeroboam at buong Israel;
5 Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, ang kaharian sa Israel kay David magpakailan man, sa kaniya at sa kaniyang mga anak, sa pamamagitan ng tipan na asin?
6 Gayon ma'y si Jeroboam na anak ni Nabat, na lingkod ni Salomon na anak ni David, ay tumindig, at nanghimagsik laban sa kaniyang panginoon.
7 At napisan sa kaniya ay mga walang kabuluhang lalake, na mga hamak na tao, na nangagpakatibay laban kay Roboam na anak ni Salomon, nang si Roboam ay bata at malumanay na puso, at hindi makapanaig sa kanila.
8 At ngayo'y inyong inaakalang daigin ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David; at kayo'y isang malaking karamihan, at mayroon kayong mga gintong guya, na ginawang mga dios sa inyo ni Jeroboam.
9 Hindi ba ninyo pinalayas ang mga saserdote ng Panginoon, na mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y naghalal ng mga saserdote na ayon sa kaugalian ng mga bayan ng mga ibang lupain? na anopa't sinomang naparoroon upang tumalaga sa pamamagitan ng isang guyang baka, at pitong lalaking tupa, yao'y maaaring saserdote sa mga yaon na hindi mga dios.
10 Nguni't tungkol sa amin, ang Panginoon ay ang aming Dios, at hindi namin pinabayaan siya; at mayroon kaming mga saserdote na nagsisipangasiwa sa Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita sa kanilang gawain:
11 At sila'y nagsisipagsunog sa Panginoon tuwing umaga at tuwing hapon ng mga handog na susunugin at ng mainam na kamangyan: ang tinapay na handog naman ay inihanay nila sa dulang na dalisay; at ang kandelerong ginto na may mga ilawan, upang magsipagningas tuwing hapon: sapagka't aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Dios; nguni't pinabayaan ninyo siya.
12 At, narito, ang Dios ay nangungulo sa amin, at ang kaniyang mga saserdote ay mga may pakakak na panghudyat, upang mangagpatunog ng hudyat laban sa iyo. Oh mga anak ni Israel, huwag kayong mangakipaglaban sa Panginoon, sa Dios ng inyong mga magulang; sapagka't kayo'y hindi magsisiginhawa.
13 Nguni't pinaligid sa likuran nila ni Jeroboam ang isang kawal na bakay: na anopa't sila'y nangasa harap ng Juda, at ang bakay ay nasa likuran nila.
14 At nang ang Juda ay lumingon, narito, ang pagbabaka'y nasa harap at likuran nila: at sila'y nagsidaing sa Panginoon, at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak.
15 Nang magkagayo'y nagsihiyaw ang mga lalake ng Juda: at habang nagsisihiyaw ang mga anak ng Juda, nangyari, na sinaktan ng Dios si Jeroboam at ang buong Israel sa harap ni Abias at ng Juda.
16 At ang mga anak ni Israel ay nagsitakas sa harap ng Juda: at ibinigay ng Dios sila sa kanilang kamay.
17 At pinatay sila ni Abias at ng kaniyang bayan ng malaking pagpatay: sa gayo'y nangabuwal na patay sa Israel ay limang daang libo na piling mga lalake.
18 Ganito nangasakop ang mga anak ni Israel nang panahong yaon, at ang mga anak ni Juda ay nagsipanaig, sapagka't sila'y nagsitiwala sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
19 At hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Beth-el pati ng mga nayon niyaon, at ang Jesana pati ng mga nayon niyaon at ang Ephron pati ng mga nayon niyaon.
20 Na hindi man nagsauling lakas si Jeroboam uli sa mga kaarawan ni Abias: at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.
21 Nguni't si Abias ay naging makapangyarihan, at nagasawa ng labing apat, at nagkaanak ng dalawang pu't dalawang lalake, at labing anim na babae.
22 At ang iba sa mga gawa ni Abias, at ang kaniyang mga lakad, at ang kaniyang mga sabi ay nangakasulat sa kasaysayan ni Iddo na propeta.