1 Nang magawa nga ang mga bagay na ito, ang mga prinsipe ay nagsilapit sa akin, na nangagsasabi: Ang bayan ng Israel, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, ay hindi nagsihiwalay sa mga bayan ng mga lupain, na nagsisigawa ng ayon sa kanilang mga karumaldumal, sa makatuwid baga'y ang mga Cananeo, ang mga Hetheo, ang mga Pherezeo, ang mga Jebuseo, ang mga Ammonita, ang mga Moabita, ang mga taga Egipto, at ang mga Amorrheo.
2 Sapagka't kinuha nila ang kanilang mga anak na babae sa ganang kanilang sarili, at sa kanilang mga anak na lalake, na anopa't ang banal na binhi ay nahalo nga sa bayan ng mga lupain: oo, ang kamay ng mga prinsipe at ng mga pinuno ay naging puno sa pagsalangsang na ito.
3 At nang mabalitaan ko ang bagay na ito, aking hinapak ang aking suot at ang aking balabal, at binaltak ko ang buhok ng aking ulo at ng aking baba, at ako'y naupong natitigilan.
4 Nang magkagayo'y nagpipisan sa akin ang lahat na nanginginig sa mga salita ng Dios ng Israel, dahil sa pagsalangsang nila na sa pagkabihag; at ako'y naupong natitigilan hanggang sa pagaalay sa hapon.
5 At sa pagaalay sa kinahapunan ay bumangon ako sa aking pagpapakumbaba, na hapak ang aking suot at ang aking balabal; at ako'y lumuhod ng aking mga tuhod, at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Dios;
6 At aking sinabi, Oh aking Dios; ako'y napahiya at namula na itaas ang aking mukha sa iyo, na aking Dios: sapagka't ang aming mga kasamaan ay nagsilala sa aming ulo, at ang aming sala ay umabot hanggang sa langit.
7 Mula ng mga kaarawan ng aming mga magulang ay naging totoong salarin kami hanggang sa araw na ito; at dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga saserdote ay nangabigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa kahihiyan ng mukha, gaya sa araw na ito.
8 At ngayon sa sandaling panahon ay napakita ang biyaya na mula sa Panginoon naming Dios, upang iwan sa amin ang isang nalabi na nakatanan at upang bigyan kami ng isang pako sa kaniyang dakong banal, upang palinawin ng aming Dios ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting kabuhayan sa aming pagkaalipin.
9 Sapagka't kami ay mga alipin; gayon ma'y hindi kami pinabayaan ng aming Dios sa aming pagkaalipin, kundi naggawad ng kaawaan sa amin sa paningin ng mga hari sa Persia, upang bigyan kami ng kabuhayan, upang itayo ang bahay ng aming Dios, at upang husayin ang sira niyaon, at upang bigyan kami ng kuta sa Juda at sa Jerusalem.
10 At ngayon, Oh aming Dios, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? sapagka't aming pinabayaan ang iyong mga utos.
11 Na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsasabi, Ang lupain, na inyong pinaroroonan upang ariin, ay maruming lupain dahil sa mga karumihan ng mga bayan ng mga lupain, dahil sa kanilang mga karumaldumal, na pinuno sa dulo't dulo ng kanilang karumihan.
12 Ngayon nga'y huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang kaginhawahan magpakailan man: na kayo baga'y magsilakas, at magsikain ng buti ng lupain, at iwan ninyo na pinakamana sa inyong mga anak magpakailan man.
13 At pagkatapos ng lahat na dumating sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming malaking sala, sa paraang ikaw na aming Dios ay nagparusa sa amin, ng kulang kay sa marapat sa aming mga kasamaan, at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.
14 Amin ba uling sisirain ang iyong mga utos, at makikipisan ng mahigpit sa mga bayan na nagsisigawa ng mga karumaldumal na ito? hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa inyong malipol kami, na anopa't huwag magkaroon ng nalabi, o ng sinomang nakatanan.
15 Oh Panginoon, na Dios ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagka't kami ay naiwan na isang nalabi na nakatanan, na gaya sa araw na ito: narito, kami ay nangasa harap mo sa aming sala; sapagka't walang makatatayo sa harap mo dahil dito.