1 Nang magkagayo'y umalingawngaw ang malakas na daing ng bayan at ng kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio,
2 Sapagka't may nagsisipagsabi, Kami, ang aming mga anak na lalake at babae ay marami: tulutan kaming magsikuha ng trigo, upang aming makain at mabuhay kami.
3 May nagsisipagsabi naman: Aming isinasangla ang aming mga bukid at ang aming mga ubasan, at ang aming mga bahay: tulutan kaming magsikuha ng trigo, dahil sa kasalatan.
4 May nagsisipagsabi naman: Aming ipinangutang ng salapi ang buwis sa hari na hinihingi sa aming mga bukid at aming mga ubasan.
5 Gayon ma'y ang aming laman ngayon ay gaya ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak: at, narito, aming dinadala sa pagkaalipin ang aming mga anak na lalake at babae upang maging mga alipin, at ang iba sa aming mga anak na babae ay nangadala sa pagkaalipin: wala man lamang kaming kapangyarihang makatulong; sapagka't ibang mga tao ang nagtatangkilik ng aming bukid at ng aming mga ubasan.
6 At ako'y nagalit na mainam, nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga salitang ito.
7 Nang magkagayo'y sumangguni ako sa aking sarili, at nakipagtalo ako sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at nagsabi sa kanila, Kayo'y nangagpapatubo, bawa't isa sa kaniyang kapatid. At ako'y nagdaos ng malaking kapulungan laban sa kanila.
8 At sinabi ko sa kanila, Kami ayon sa aming kaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio, na mga naipagbili sa mga bansa; at inyo ba ring ipagbibili ang inyong mga kapatid, at sila'y maipagbibili sa amin? Nang magkagayo'y nagsitahimik sila, at hindi nakasumpong kailan man ng salita.
9 Sinabi ko rin, Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti: hindi ba kayo marapat magsilakad sa takot sa ating Dios, dahil sa pagdusta ng mga bansa, na ating mga kaaway?
10 At ako'y gayon din, ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nangutang sa kanila ng salapi at trigo. Isinasamo ko sa inyo na ating iwan ang patubong ito.
11 Isinasamo ko sa inyo, na isauli ninyo sa kanila, sa araw ding ito, ang kanilang mga bukid, at ang kanilang mga ubasan, ang kanilang mga olibohan, at ang kanilang mga bahay, gayon din ang ikasangdaang bahagi ng salapi, at ng trigo, ng alak, at ng langis, na inyong hinihingi sa kanila.
12 Nang magkagayo'y sinabi nila, Aming isasauli, at wala kaming hihilingin sa kanila; gayon namin gagawin, gaya ng iyong sinasabi. Nang magkagayo'y tinawag ko ang mga saserdote at pinanumpa ko sila, na sila'y magsisigawa ng ayon sa pangakong ito.
13 Ipinagpag ko naman ang aking laylayan, at ako'y nagsabi, Ganito ipagpag ng Dios ang bawa't tao mula sa kaniyang bahay, at mula sa kaniyang gawain, na hindi tumupad ng pangakong ito; sa makatuwid baga'y ganito ipagpag siya, at mahungkag. At ang buong kapisanan ay nagsabi, Siya nawa, at pumuri sa Panginoon. At ginawa ng bayan ayon sa pangakong ito.
14 Bukod dito'y mula sa panahon na ako'y mahalal na kanilang tagapamahala sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawang pung taon hanggang sa ikatatlong pu't dalawang taon ni Artajerjes na hari, sa makatuwid baga'y labing dalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi nagsikain ng tinapay ng tagapamahala.
15 Nguni't ang mga dating tagapamahala na una sa akin ay naging pasan sa bayan, at kumuha sa kanila ng tinapay at alak, bukod sa apat na pung siklong pilak; oo, pati ng kanilang mga lingkod ay nagpupuno sa bayan: nguni't ang gayon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Dios.
16 Oo, ako nama'y nagpatuloy sa gawain ng kutang ito, ni hindi man lamang kami nagsibili ng anomang lupain: at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagpipisan doon sa gawain.
17 Bukod dito'y nagkaroon sa dulang ko ng mga Judio at mga pinuno na isang daan at limang pung tao, bukod sa nagsiparoon sa amin na mula sa mga bansa na nasa palibot namin.
18 Ang inihahanda nga sa bawa't araw ay isang baka at anim na piling tupa; mga ibon naman ay nahanda sa akin, at minsan sa sangpung araw ay sarisaring alak na masagana: gayon ma'y sa lahat ng ito ay hindi ako humingi ng tinapay sa tagapamahala, sapagka't ang pagkaalipin ay mabigat sa bayang ito.
19 Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, sa ikabubuti, lahat na aking ginawa dahil sa bayang ito.