Home

Mga Kawikaan

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31


-Reset+

Kabanata 25

1 Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Salomon, na isinalin ng mga tao ni Hezekias na hari sa Juda.
2 Kaluwalhatian nga ng Dios na maglihim ng isang bagay: nguni't ang kaluwalhatian ng mga hari ay magusisa ng isang bagay.
3 Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman, gayon ang puso ng mga hari ay di masayod.
4 Alisin ang dumi sa pilak, at lumalabas na isang kasangkapan sa ganang mangbububo:
5 Alisin ang masama sa harap ng hari, at ang kaniyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
6 Huwag kang magpauna sa harapan ng hari, at huwag kang tumayo sa dako ng mga dakilang tao:
7 Sapagka't maigi na sabihin sa iyo, sumampa ka rito: kay sa ibaba ka sa harapan ng pangulo, na nakita ng iyong mga mata.
8 Huwag kang makialam ng walang gunita sa pakikipagbabag, baka hindi mo maalaman kung ano ang gagawin sa wakas niyaon, pagka ikaw ay hiniya ng iyong kapuwa.
9 Ipaglaban mo ang iyong usap sa iyong kapuwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba:
10 Baka siyang nakakarinig ay umalipusta sa iyo, at ang iyong pagkadusta ay hindi maalis.
11 Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanang ginto sa mga bilaong pilak.
12 Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto, gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig.
13 Kung paano ang lamig ng niebe sa panahon ng pagaani, gayon ang tapat na sugo sa kanila na nangagsugo sa kaniya; sapagka't kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon.
14 Kung paano ang mga alapaap at hangin na walang ulan, gayon ang taong naghahambog ng kaniyang mga kaloob na walang katotohanan.
15 Sa pamamagitan ng pagpipigil ng loob ay napahihikayat ang pangulo, at ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto.
16 Nakasumpong ka ba ng pulot? kumain ka ng sapat sa iyo; baka ka masuya, at iyong isuka.
17 Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa; baka siya'y mayamot sa iyo, at ipagtanim ka.
18 Ang tao na sumasaksi ng kasinungalingang saksi laban sa kaniyang kapuwa ay isang pangbayo at isang tabak, at isang matulis na pana.
19 Pagtiwala sa di tapat na tao sa panahon ng kabagabagan ay gaya ng baling ngipin, at ng nabaliang paa.
20 Kung paano ang nangaagaw ng kasuutan sa panahong tagginaw, at kung paano ang suka sa sosa, gayon siyang umaawit ng mga awit sa mabigat na puso.
21 Kung ang iyong kaaway ay magutom, bigyan mo siya ng pagkain na makakain; at kung siya'y mauhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom:
22 Sapagka't ikaw ay magbubunton ng baga ng apoy sa kaniyang ulo, at gagantihin ka ng Panginoon.
23 Ang hanging hilaga ay naglalabas ng ulan: gayon ang dilang maninirang puri ay nakagagalit.
24 Maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa kasama ng palaaway na babae sa maluwang na bahay.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa, gayon ang mga mabuting balita na mula sa malayong lupain.
26 Kung paano ang malabong balon, at ang bukal na nalabusaw, gayon ang matuwid na tao na nagbigay daan sa harap ng masama.
27 Hindi mabuting kumain ng maraming pulot: gayon ang paghanap ng tao ng kanilang sariling kaluwalhatian, ay hindi kaluwalhatian.
28 Siyang hindi pumipigil ng kaniyang sariling diwa ay parang bayang nabagsak at walang kuta.