Home

Ang Awit ni Solomon

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8


-Reset+

Kabanata 8

1 Oh ikaw sana'y naging aking kapatid, na humitit ng mga suso ng aking ina! Pagka nasumpungan kita sa labas, hahagkan kita; Oo, at walang hahamak sa akin.
2 Aking papatnubayan ka, at dadalhin kita sa bahay ng aking ina, na magtuturo sa akin; aking paiinumin ka ng hinaluang alak, ng katas ng aking granada.
3 Ang kaniyang kaliwang kamay ay malalagay sa ilalim ng aking ulo, at ang kaniyang kanang kamay ay yayakap sa akin.
4 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang sinta ko, hanggang sa ibigin niya.
5 Sino itong umaahong mula sa ilang, na humihilig sa kaniyang sinisinta? Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita: doon nagdamdam sa iyo ang iyong ina, doon nagdamdam yaong nanganak sa iyo.
6 Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso, pinakatatak sa iyong bisig: sapagka't ang pagsinta ay malakas na parang kamatayan, panibugho ay mabagsik na parang Sheol: ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy, isang pinaka liyab ng Panginoon.
7 Ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta, ni mapauurong man ng mga baha; kung ibigay ng lalake ang lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta, siya'y lubos na kukutyain.
8 Tayo'y may isang munting kapatid na babae, at siya'y walang mga suso: ano ang ating gagawin sa ating kapatid na babae sa araw na siya'y ipakikiusap?
9 Kung siya'y maging isang kuta, pagtatayuan natin siya ng moog na pilak: at kung siya'y maging isang pintuan, ating tatakpan ng mga tablang sedro.
10 Ako'y isang kuta, at ang aking mga suso ay parang mga moog niyaon: ako nga'y naging sa harap ng kaniyang mga mata ay parang nakakasumpong ng kapayapaan.
11 Si Salomon ay may ubasan sa Baal-hamon; kaniyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala; bawa't isa'y nagdadala dahil sa bunga niyaon ng isang libong putol na pilak.
12 Ang aking ubasan na akin ay nasa harap ko; ikaw, Oh Salomon, ay magkakaroon ng libo, at ang nangagiingat ng bunga niyaon ay dalawang daan.
13 Ikaw na tumatahan sa mga halamanan, ang mga kasama ay nangakikinig ng iyong tinig: iparinig mo sa akin.
14 Ikaw ay magmadali, sinisinta ko, at ikaw ay maging parang usa o batang usa sa mga bundok ng mga especia.