Home

Daniel

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12


-Reset+

Kabanata 11

1 At tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.
2 At ngayo'y aking ipatatalastas sa iyo ang katotohanan. Narito, tatayo pa ang tatlong hari sa Persia; at ang ikaapat ay magiging totoong mayaman kay sa kanilang lahat: at pagka siya'y lumakas sa kaniyang mga yaman, ay kaniyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.
3 At isang makapangyarihang hari ay tatayo, na magpupuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban.
4 At pagka tatayo siya ay magigiba ang kaniyang kaharian, at mababahagi sa apat na hangin ng langit, nguni't hindi sa kaniyang anak, ni ayon man sa kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinagpuno; sapagka't ang kaniyang kaharian ay mabubunot para sa mga iba bukod sa mga ito.
5 At ang hari sa timugan ay magiging malakas, at ang isa sa kaniyang mga prinsipe; at siya'y magiging malakas kay sa kaniya, at magtataglay ng kapangyarihan; ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakilang kapangyarihan.
6 At sa katapusan ng mga taon, sila'y magpipipisan; at ang anak na babae ng hari sa timugan ay paroroon sa hari sa hilagaan upang gumawa ng pakikipagkasundo: nguni't hindi niya mapananatili ang lakas ng kaniyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nangagdala sa kaniya, at ang nanganak sa kaniya, at ang nagpalakas sa kaniya sa mga panahong yaon.
7 Nguni't sa suwi ng kaniyang mga ugat ay tatayo ang isa na kahalili niya na paroroon sa hukbo, at papasok sa katibayan ng hari sa hilagaan, at gagawa ng laban sa kanila, at mananaig.
8 At gayon din ang kanilang mga dios sangpu ng kanilang mga larawang binubo, at ng kanilang mga mainam na sisidlan na pilak at ginto ay dadalhing samsam sa Egipto; at siya'y magluluwat na ilang taon kay sa hari sa hilagaan.
9 At siya'y paroroon sa kaharian ng hari sa timugan, nguni't siya'y babalik sa kaniyang sariling lupain.
10 At ang kaniyang mga anak ay makikipagdigma, at mapipisan ng isang karamihang malaking hukbo, na magpapatuloy, at aabot, at lalagpas; at sila'y magsisibalik at makikipagdigma, hanggang sa kaniyang katibayan.
11 At ang hari sa timugan ay makikilos ng pagkagalit, at lalabas at makikipaglaban sa kaniya, sa makatuwid baga'y sa hari sa hilagaan; at siya'y maglalabas ng malaking karamihan, at ang karamiha'y mabibigay sa kaniyang kamay.
12 At ang karamihan ay madadala, at ang kaniyang puso ay magpapalalo; at siya'y magbubuwal ng libo-libo, nguni't hindi mananaig.
13 At ang hari sa hilagaan ay babalik, at maglalabas ng isang karamihan na lalong malaki kay sa una; at siya'y magpapatuloy hanggang sa wakas ng mga panahon, ng mga taon, na ma'y malaking hukbo, at maraming kayamanan.
14 At sa mga panahong yaon ay maraming magsisitayo laban sa hari sa timugan: gayon din ang mga anak na mangdadahas sa gitna ng iyong bayan ay magsisibangon upang itatag ang pangitain; nguni't sila'y mangabubuwal.
15 Sa gayo'y paroroon ang hari sa hilagaan, at gagawa ng isang bunton, at sasakop ng isang bayan na nakukutaang mabuti: at ang pulutong ng timugan ay hindi makatatayo ni ang kaniya mang piling bayan, ni magtataglay man sila ng anomang kalakasan, upang tumayo.
16 Nguni't ang dumarating laban sa kaniya, ay gagawa ng ayon sa sariling kalooban, at walang tatayo sa harap niya; at siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, at sasa kaniyang kamay ang paglipol.
17 At kaniyang itatanaw ang kaniyang mukha upang pumaroon na kasama ng lakas ng kaniyang buong kaharian, at ng mga tapat na kasama niya; at siya'y gagawa ng mga yaon: at ibibigay niya sa kaniya ang anak na babae ng mga babae, upang hamakin; nguni't siya'y hindi tatayo, ni siya'y mapapasa kaniya man.
18 Pagkatapos nito'y kaniyang ipipihit ang kaniyang mukha sa mga pulo, at sasakop ng marami: nguni't isang prinsipe ay magpapatigil ng pagkutya niya; oo, bukod dito'y kaniyang pababalikin ang kaniyang kakutyaan sa kaniya.
19 Kung magkagayo'y kaniyang ipipihit ang kaniyang mukha sa dako ng mga kuta ng kaniyang sariling lupain; nguni't siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi masusumpungan.
20 Kung magkagayo'y tatayo na kahalili niya ang isa na magpaparaan ng maniningil sa kaluwalhatian ng kaharian; nguni't sa loob ng kaunting araw ay mapapahamak, na hindi sa kagalitan, o sa pagbabaka man.
21 At kahalili niya na tatayo ang isang hamak na tao, na hindi nila pinagbigyan ng karangalan ng kaharian: nguni't siya'y darating sa panahong katiwasayan, at magtatamo ng kaharian sa pamamagitan ng mga daya.
22 At sa pamamagitan ng pulutong na huhugos ay mapapalis sila sa harap niya, at mabubuwal; oo, pati ng prinsipe ng tipan.
23 At pagkatapos ng pakikipagkasundo sa kaniya, siya'y gagawang may karayaan; sapagka't siya'y sasampa, at magiging matibay, na kasama ng isang munting bayan.
24 Sa panahon ng katiwasayan darating siya hanggang sa mga pinakamainam na dako ng lalawigan; at kaniyang gagawin ang hindi ginawa ng kaniyang mga magulang, o ng mga magulang ng kaniyang mga magulang; siya'y magbabahagi sa kanila ng huli, at samsam, at kayamanan: oo, siya'y hahaka ng kaniyang mga haka laban sa mga kuta, hanggang sa takdang panahon.
25 At kaniyang kikilusin ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang tapang laban sa hari sa timugan na may malaking hukbo; at ang hari sa timugan ay makikipagdigma sa pakikipagbaka na may totoong malaki at makapangyarihang hukbo; nguni't hindi siya tatayo, sapagka't sila'y magsisihaka ng mga panukala laban sa kaniya.
26 Oo, silang nagsisikain ng kaniyang masarap na pagkain ay siyang magpapahamak sa kaniya, at ang kaniyang hukbo ay mapapalis; at marami ay mabubuwal na patay.
27 At tungkol sa dalawang haring ito, ang kanilang mga puso ay magtataglay ng kasamaan, at sila'y mangagsasalita ng mga kabulaanan sa isang dulang: nguni't hindi giginhawa; sapagka't ang wakas ay magiging sa panahong takda pa.
28 Kung magkagayo'y babalik siya sa kaniyang lupain na may malaking kayamanan; at ang kaniyang puso ay magiging laban sa banal na tipan; at siya'y gagawa ng kaniyang maibigan, at babalik sa kaniyang sariling lupain.
29 Sa takdang panahon ay babalik siya, at papasok sa timugan; nguni't hindi magiging gaya ng una ang huli.
30 Sapagka't mga sasakyan sa Chittim ay magsisiparoon laban sa kaniya; kaya't siya'y mahahapis, at babalik, at magtataglay ng galit laban sa banal na tipan, at gagawa ng kaniyang maibigan: siya nga'y babalik, at lilingapin yaong nangagpabaya ng banal na tipan.
31 At mga pulutong ay magsisitayo sa kaniyang bahagi, at kanilang lalapastanganin ang santuario, sa makatuwid baga'y ang kuta, at aalisin ang palaging handog na susunugin, at kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam na naninira.
32 At ang gayon na gumagawa na may kasamaan laban sa tipan, ay mahihikayat niya sa pamamagitan ng mga daya; nguni't ang bayan na nakakakilala ng kanilang dios ay magiging matibay, at gagawa ng kabayanihan.
33 At silang marunong sa bayan ay magtuturo sa marami; gayon ma'y mangabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak at ng liyab, ng pagkabihag at ng samsam, na maraming araw.
34 Pagka nga sila'y mangabubuwal, sila'y tutulungan ng kaunting tulong; nguni't marami ay magsisipisan sa kanila na may mga daya.
35 At ang ilan sa kanila na pantas ay mangabubuwal, upang dalisayin sila, at linisin, at paputiin, hanggang sa panahon ng kawakasan; sapagka't ukol sa panahon pang takda.
36 At ang hari ay gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban; at siya'y magmamalaki, at magpapakataas ng higit kay sa bawa't dios, at magsasalita ng mga kagilagilalas na bagay laban sa Dios ng mga dios; at siya'y giginhawa hanggang sa ang galit ay maganap; sapagka't ang ipinasiya ay gagawin.
37 Wawaling bahala niya ang mga dios ng kaniyang mga magulang, o ang nasa man sa mga babae, o pakukundanganan man ang sinomang dios; sapagka't siya'y magmamalaki sa lahat.
38 Kundi bilang kahalili ay pararangalan niya ang dios ng mga katibayan; at isang dios na hindi nakilala ng kaniyang mga magulang ay kaniyang pararangalan ng ginto, at pilak, at ng mga mahalagang bato at ng mga maligayang bagay.
39 At siya'y magbabagsak ng mga matibay na kuta sa tulong ng ibang dios; sinomang kumilala sa kaniya, mananagana sa kaluwalhatian; at pagpupunuin niya sila sa marami, at kaniyang babahagihin ang lupa sa halaga.
40 At sa panahon ng kawakasan ay makikipagkaalit sa kaniya ang hari sa timugan; at ang hari sa hilagaan ay paroroon laban sa kaniya na gaya ng isang ipoipo, na may mga karo, at may mga mangangabayo, at may maraming sasakyan; at kaniyang papasukin ang mga lupain, at aabot at lalagpas.
41 Siya'y papasok din naman sa maluwalhating lupain, at maraming lupain ay mababagsak; nguni't ang mga ito ay mangaliligtas mula sa kaniyang kamay: ang Edom, at ang Moab, at ang puno ng mga anak ni Ammon.
42 Kaniyang iuunat din naman ang kaniyang kamay sa mga lupain; at ang lupain ng Egipto ay hindi makatatakas.
43 Nguni't siya'y magtataglay ng kapangyarihan sa mga kayamanang ginto at pilak, at sa lahat na mahalagang bagay sa Egipto; at ang mga taga Libia at ang mga taga Etiopia ay susunod sa kaniyang mga hakbang.
44 Nguni't mga balita na mula sa silanganan at mula sa hilagaan ay babagabag sa kaniya; at siya'y lalabas na may malaking kapusukan upang gumiba at lumipol sa marami.
45 At kaniyang itatayo ang mga tolda ng kaniyang palasio sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok; gayon ma'y darating siya sa kaniyang wakas, at walang tutulong sa kaniya.