Home

Hosea

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14


-Reset+

Kabanata 10

1 Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga: ayon sa karamihan ng kaniyang bunga kaniyang pinarami ang kaniyang mga dambana; ayon sa kabutihan ng kaniyang lupain ay nagsigawa sila ng mga mainam na haligi.
2 Ang kanilang puso ay nahati; ngayo'y mangasusumpungan silang salarin: kaniyang ibabagsak ang kanilang mga dambana, kaniyang sasamsamin ang kanilang mga haligi.
3 Walang pagsalang ngayo'y kanilang sasabihin, Kami ay walang hari; sapagka't kami ay hindi nangatatakot sa Panginoon; at ang hari, ano ang magagawa niya para sa atin?
4 Sila'y nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita, na nagsisisumpa ng di totoo sa paggawa ng mga tipan: kaya't ang kahatulan ay lumilitaw na parang ajenjo sa mga bungkal sa parang.
5 Ang mga nananahan sa Samaria ay malalagay sa pangingilabot dahil sa mga guya ng Beth-aven; sapagka't ang bayan niyaon ay mananangis doon, at ang mga saserdote niyaon na nangagagalak doon, dahil sa kaluwalhatian niyaon, sapagka't nawala roon.
6 Dadalhin din naman sa Asiria na pinakakaloob sa haring Jareb: ang Ephraim ay tatanggap ng kahihiyan, at ang Israel ay mapapahiya sa kaniyang sariling payo.
7 Tungkol sa Samaria, ang kaniyang hari ay nahiwalay, na parang bula sa tubig.
8 Ang mataas na dako naman ng Aven, ang kasalanan ng Israel ay masisira: ang mga tinik at ang mga dawag ay sisibol sa kanilang mga dambana; at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami; at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.
9 Oh Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga kaarawan ng Gabaa: doon sila nagsitayo; ang pagbabaka laban sa mga anak ng kasamaan ay hindi aabot sa kanila sa Gabaa.
10 Pagka siya kong nasa, ay aking parurusahan sila; at ang mga bayan ay magpipisan laban sa kanila, pagka sila'y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.
11 At ang Ephraim ay isang dumalagang baka na tinuturuan, na maibigin sa pagiik ng trigo; nguni't aking pinararaan ang pamatok sa kaniyang magandang leeg: ako'y maglalagay ng isang mananakay sa Ephraim; magaararo ang Juda, dudurugin ng Jacob ang kaniyang mga bugal.
12 Mangaghasik kayo sa inyong sarili sa katuwiran, magsigapas kayo ayon sa kaawaan; bungkalin ninyo ang inyong pinabayaang bukiran; sapagka't panahon na hanapin ang Panginoon, hanggang sa siya'y dumating, at magdala ng katuwiran sa inyo.
13 Kayo'y nangaghasik ng kasamaan, kayo'y nagsiani ng kasalanan; kayo'y nagsikain ng bunga ng kabulaanan; sapagka't ikaw ay tumiwala sa iyong lakad, sa karamihan ng iyong makapangyarihang lalake.
14 Kaya't babangon ang isang kagulo sa iyong mga bayan, at lahat ng iyong mga katibayan ay magigiba, na gaya ni Salman na gumiba sa Beth-arbel sa kaarawan ng pagbabaka: ang ina ay pinaglurayluray na kasama ng kaniyang mga anak.
15 Gayon ang gagawin ng Beth-el sa inyo dahil sa inyong malaking kasamaan: sa pagbubukang liwayway, ang hari ng Israel ay lubos na mahihiwalay.