1 Nang magkagayo'y itinanaw ko uli ang aking mga mata, at aking nakita, at, narito, isang lumilipad na balumbon.
2 At sinabi niya sa akin, Ano ang iyong nakikita? At ako'y sumagot, Aking nakikita'y isang lumilipad na balumbon; ang haba niyaon ay dalawang pung siko, at ang luwang niyaon ay sangpung siko.
3 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ito ang sumpa na lumalabas sa ibabaw ng buong lupain: sapagka't ang bawa't nagnanakaw ay mahihiwalay sa isang dako ayon doon; at bawa't manunumpa ay mahihiwalay sa kabilang dako ayon doon.
4 Aking ilalabas yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at papasok sa bahay ng magnanakaw, at sa bahay niyaong nanunumpa ng kasinungalingan sa pangalan ko; at tatahan sa gitna ng bahay niya, at pupugnawin sangpu ng mga kahoy niyaon at mga bato niyaon.
5 Nang magkagayo'y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay lumabas, at nagsabi sa akin, itanaw mo ngayon ang iyong mga mata, at tingnan mo kung ano ito na lumalabas.
6 At aking sinabi, Ano yaon? At kaniyang sinabi, Ito ang efa na lumalabas. Sinabi niya bukod dito, Ito ang kawangis nila sa buong lupain.
7 (At, narito, itinaas ang isang talentong tingga); at ito'y isang babae na nauupo sa gitna ng efa.
8 At kaniyang sinabi, Ito ang kasamaan; at kaniyang inihagis sa loob ng gitna ng efa: at kaniyang inihagis ang panimbang na tingga sa bunganga niyaon.
9 Nang magkagayo'y itinanaw ko ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, lumabas ang dalawang babae, at may dalang hangin sa kanilang mga pakpak; sila nga'y may mga pakpak na gaya ng mga pakpak ng tagak: at kanilang itinaas ang efa sa pagitan ng lupa at ng langit.
10 Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakikipagusap sa akin, Saan dinadala ng mga ito ang efa?
11 At sinabi niya sa akin, Upang ipagtayo siya ng bahay sa lupain ng Shinar: at pagka nahanda na, siya'y malalagay roon sa kaniyang sariling dako.