Home

2 Mga Taga-Corinto

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13


-Reset+

Kabanata 7

1 Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios.
2 Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso: hindi namin inapi ang sinoman, hindi namin ipinasama ang sinoman, hindi namin dinaya ang sinoman.
3 Hindi ko sinasabi ito upang kayo'y hatulan: sapagka't sinabi ko na nang una, na kayo'y nasa aming mga puso upang magkasamang mamatay at magkasamang mabuhay.
4 Malaki ang katapangan ko ng pagsasalita sa inyo, malaki ang aking kapurihan dahil sa inyo: ako'y puspos ng kaaliwan, nananagana sa katuwaan sa lahat ng aming kapighatian.
5 Sapagka't nagsidating man kami sa Macedonia ang aming laman ay hindi nagkaroon ng katiwasayan, kundi sa lahat kami ay pinipighati; sa labas ay mga pagbabaka, sa loob ay mga katakutan.
6 Gayon man ang Dios na umaaliw sa mabababang-loob, ay kami'y inaliw sa pamamagitan ng pagdating ni Tito;
7 At hindi lamang sa kaniyang pagdating, kundi naman sa kaaliwan ng inialiw sa kaniya dahil sa inyo, nang sa amin ay ibalita niya ang inyong pananabik, ang inyong kalumbayan, ang inyong pagmamalasakit dahil sa akin; ano pa't ako'y lubha pang nagalak.
8 Sapagka't bagaman ako'y nakapagpalumbay sa inyo sa aking sulat, ay hindi ko dinaramdam: bagama't aking dinamdam (sapagka't akin ngang natatalastas na ang sulat na yaon ay nakapagpalumbay sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang),
9 Ngayo'y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi; sapagka't kayo'y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin.
10 Sapagka't ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: datapuwa't ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay.
11 Narito nga, ito rin ang inyong ikinalulumbay na mula sa Dios, gaanong sikap na pagiingat ang sa inyo'y ginawa, oo't gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo't gaanong pagkagalit, oo't gaanong katakutan, oo't gaanong pananabik, oo't gaanong pagmamalasakit, oo't gaanong paghihiganti! Sa lahat ay napakita kayong dalisay sa bagay na ito.
12 Kaya nga, bagama't ako'y sumulat sa inyo, ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, ni dahil doon sa nagbata ng kamalian, kundi upang maihayag sa inyo ang inyong masikap na pagiingat sa amin sa harapan ng Dios.
13 Kaya't kami'y pawang nangaaliw: at sa aming pagkaaliw ay bagkus pang nangagalak kami dahil sa kagalakan ni Tito, sapagka't ang kaniyang espiritu ay inaliw ninyong lahat.
14 Sapagka't kung ako ay nagmapuri ng anoman sa kaniya dahil sa inyo, ay hindi ako nahiya; datapuwa't kung paanong sinabi namin ang lahat ng mga bagay sa inyo sa katotohanan, ay gayon din naman ang aming pagmamapuri na ginawa ko sa harap ni Tito ay nasumpungang totoo.
15 At ang kaniyang pagibig ay lubha pang nanagana sa inyo, samantalang naaalaala niya ang pagtalima ninyong lahat, kung paanong siya'y tinanggap ninyo na may takot at panginginig.
16 Ako'y nagagalak na sa lahat ng mga bagay ay mayroon akong lubos na pagtitiwala sa inyo.