1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, noong nagsilapit sa harap ng Panginoon, at namatay;
2 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag pumasok tuwina sa dakong banal, sa loob ng tabing, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban; upang siya'y huwag mamatay: sapagka't ako'y pakikitang nasa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.
3 Ganito papasok nga si Aaron sa loob ng dakong banal, may dalang isang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at isang tupang lalake na handog na susunugin.
4 Siya'y magsusuot ng kasuutang banal, na lino at ng salawal na lino sa kaniyang laman, at magbibigkis siya ng pamigkis na lino, at ang mitra na lino ay kaniyang isusuot: ito ang mga bihisang banal; at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig at pawang isusuot niya.
5 At siya'y kukuha sa kapisanan ng mga anak ni Israel, ng dalawang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ng isang tupang lalake na pinakahandog na susunugin.
6 At ihaharap ni Aaron ang toro na handog dahil sa kasalanan na patungkol sa kaniyang sarili, at itutubos niya sa kaniya at sa kaniyang sangbahayan.
7 At kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harap ng Panginoon sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
8 At pagsasapalaran ni Aaron ang dalawang kambing; ang isang kapalaran ay sa Panginoon at ang isang kapalaran ay kay Azazel.
9 At ihaharap ni Aaron ang kambing na kinahulugan ng kapalaran sa Panginoon, at ihahandog na pinakahandog dahil sa kasalanan.
10 Nguni't ang kambing na kinahulugan ng kapalaran kay Azazel ay ilalagay na buhay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya, at payaunin kay Azazel sa ilang.
11 At ihaharap ni Aaron ang toro na handog dahil sa kasalanan, na patungkol sa kaniyang sarili, at itutubos sa kaniyang sarili at sa kaniyang sangbahayan, at papatayin ang toro na handog dahil sa kasalanan na patungkol sa kaniyang sarili:
12 At kukuha siya mula sa dambana na nasa harap ng Panginoon ng isang suuban na puno ng mga baga; at kukuha ng dalawang dakot ng masarap na kamangyan na totoong dikdik, at kaniyang dadalhin sa loob ng tabing:
13 At ilalagay niya ang kamangyan sa ibabaw ng apoy sa harap ng Panginoon, upang ang mga usok ng kamangyan ay tumakip sa luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patoo, upang huwag siyang mamatay:
14 At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ng kaniyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa dakong silanganan: at sa harap ng luklukan ng awa ay iwiwisik niyang makapito ng kaniyang daliri ang dugo.
15 Kung magkagayo'y papatayin niya ang kambing na handog dahil sa kasalanan, na patungkol sa bayan, at dadalhin ang dugo niyaon sa loob ng tabing, at ang gagawin sa dugo niyaon ay gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harap ng luklukan ng awa:
16 At itutubos niya sa dakong banal dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsalangsang, sa makatuwid baga'y sa lahat nilang kasalanan: at gayon ang kaniyang gagawin sa tabernakulo ng kapisanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumalan,
17 At huwag magkakaroon ng sinomang tao sa tabernakulo pagka siya'y papasok upang itubos sa loob ng dakong banal, hanggang sa lumabas siya, at matubos ang sarili, at ang kaniyang kasangbahay, at ang buong kapisanan ng Israel.
18 At lalabas siya sa dambana na nasa harap ng Panginoon, at itutubos sa ito; at kukuha ng dugo ng toro, at ng dugo ng kambing, at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot.
19 At makapitong magwiwisik siya ng dugo sa dambana ng kaniyang daliri, at lilinisin at babanalin dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel.
20 At pagkatapos matubos niya ang dakong banal, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana, ay ihahandog ang kambing na buhay:
21 At ipapatong ni Aaron ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at isasaysay sa ibabaw niyaon ang lahat ng mga kasamaan ng mga anak ni Israel, at lahat ng kanilang mga pagsalangsang, lahat nga ng kanilang mga kasalanan; at ilalagay niya sa ulo ng kambing, at ipadadala sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong handa:
22 At dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila, sa lupaing hindi tinatahanan: at pawawalan niya ang kambing sa ilang.
23 At papasok si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at maghuhubad ng mga suot na lino, na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal, at iiwan niya roon:
24 At paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig, sa isang dakong banal, at magsusuot ng kaniyang mga suot, at lalabas, at ihahandog ang kaniyang handog na susunugin at ang handog na susunugin ng bayan, at itutubos sa kaniyang sarili at sa bayan.
25 At susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog dahil sa kasalanan.
26 At yaong nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel, ay maglalaba ng kaniyang mga suot at maliligo ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento.
27 At ang toro na handog dahil sa kasalanan at ang kambing na handog dahil sa kasalanan, na ang dugo ay dinala sa loob ng dakong banal upang itubos, ay ilalabas, sa kampamento; at susunugin nila sa apoy ang mga balat ng mga yaon, at ang laman at ang dumi.
28 At ang magsusunog ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos, ay papasok siya sa kampamento.
29 At ito'y magiging palatuntunan magpakailan man sa inyo: sa ikapitong buwan nang ikasangpung araw ng buwan, ay pagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa, at anomang gawain ay huwag gagawa ang tubo sa lupain, ni ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo:
30 Sapagka't sa araw na ito gagawin ang pagtubos sa inyo upang linisin kayo; sa lahat ng inyong mga kasalanan ay magiging malinis kayo sa harap ng Panginoon.
31 Sabbath nga na takdang kapahingahan sa inyo, at papagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa; ito'y palatuntunang magpakailan man.
32 At ang saserdote na papahiran at itatalaga upang maging saserdote na kahalili ng kaniyang ama, ay siyang tutubos at magsusuot ng mga kasuutang lino, na mga banal ngang kasuutan:
33 At tutubusin niya ang banal na santuario, at tutubusin niya ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga saserdote at ang buong bayan ng kapisanan.
34 At ito'y magiging palatuntunang walang hanggan sa inyo; na tubusin ang mga anak ni Israel, dahil sa lahat nilang mga kasalanan, ng minsan sa isang taon. At ginawa niya ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.