1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Dalhin mo si Aaron at pati ng kaniyang mga anak, at ang mga kasuutan, at ang langis na pangpahid, at ang torong handog dahil sa kasalanan, at ang dalawang tupang lalake, at ang bakol ng mga tinapay na walang lebadura:
3 At pulungin mo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
4 At ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kaniya ng Panginoon; at nagpupulong ang kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
5 At sinabi ni Moises sa kapisanan, Ito ang ipinagawa ng Panginoon.
6 At dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at hinugasan ng tubig.
7 At isinuot sa kaniya ang kasuutan, at binigkisan ng pamigkis, at ibinalabal sa kaniya ang balabal, at sa kaniya'y ipinatong ang epod, at ibinigkis sa kaniya ang pamigkis ng epod na mainam ang pagkayari, at tinalian nito.
8 At ipinatong sa kaniya ang pektoral: at inilagay sa loob ng pektoral ang Urim at ang Thummim.
9 At ipinatong ang mitra sa kaniyang ulo; at ipinatong sa mitra sa harap, ang laminang ginto, ang banal na putong; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 At kinuha ni Moises ang langis na pang-pahid, at pinahiran ang tabernakulo, at ang lahat ng nandoon, ay pinapaging banal.
11 At winisikan niya niyaon ang ibabaw ng dambana na makapito, at pinahiran ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon, upang ariing banal.
12 At binuhusan ng langis na pang-pahid ang ulo ni Aaron, at pinahiran niya ng langis siya upang papagbanalin.
13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y sinuutan ng mga kasuutan, at binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga tiara; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
14 At kaniyang inilapit ang torong handog dahil sa kasalanan: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog dahil sa kasalanan.
15 At pinatay niya; at kumuha si Moises ng dugo at ipinahid ng kaniyang daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot, at nilinis ang dambana, at ang dugo'y ibinuhos sa tungtungan ng dambana, at inaring banal upang pagtubusan.
16 At kinuha niya ang lahat ng taba na nasa ibabaw ng mga lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at sinunog ni Moises sa ibabaw ng dambana.
17 Datapuwa't ang toro, at ang balat, at ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
18 At iniharap niya ang tupang lalake na handog na susunugin: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa.
19 At kaniyang pinatay yaon: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
20 At kinatay niya ang tupa; at sinunog ni Moises ang ulo, at ang mga putolputol, at ang taba.
21 At kaniyang hinugasan sa tubig ang lamang loob at ang mga paa; at sinunog ni Moises ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; handog na susunugin nga na pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22 At iniharap niya ang ikalawang tupa, ang tupa na itinatalaga: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
23 At kaniyang pinatay yaon; at kumuha si Moises ng dugo niyaon, at inilagay sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa.
24 At pinaharap niya ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugong yaon sa pingol ng kanilang kanang tainga, at sa daliring hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa daliring hinlalaki ng kanang paa nila: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
25 At kinuha niya ang taba, at ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at ang kanang hita:
26 At sa bakol ng tinapay na walang lebadura na inilagay sa harap ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang munting tinapay na walang lebadura, at ng isang munting tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at ipinaglalagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita:
27 At inilagay na lahat sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak, at pinagaalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.
28 At kinuha ni Moises sa kanilang mga kamay, at sinunog sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin: mga talagang pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
29 At kinuha ni Moises ang dibdib at inalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: ito ang bahagi ni Moises sa tupang itinalaga; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30 At kumuha si Moises ng langis na pang-pahid, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iniwisik kay Aaron, sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak, at sa mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya; at pinapaging banal si Aaron at ang kaniyang mga suot, at ang kaniyang mga anak at ang mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.
31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at doon ninyo kanin, at ang tinapay na nasa bakol ng itinatalaga, ayon sa iniutos ko, na sinasabi, Kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak.
32 At ang labis sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.
33 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay huwag kayong lalabas na pitong araw, hanggang sa maganap ang mga kaarawan ng inyong pagtalaga: sapagka't pitong araw na kayo'y matatalaga.
34 Kung paano ang ginawa sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin upang itubos sa inyo.
35 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay matitira kayo gabi't araw na pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay: sapagka't gayon ang iniutos ko.
36 At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.