Home

Deuteronomio

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34


-Reset+

Kabanata 11

1 Kaya't iyong iibigin ang Panginoon mong Dios, at iyong susundin ang kaniyang bilin, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, at ang kaniyang mga utos kailan man.
2 At talastasin ninyo sa araw na ito: sapagka't hindi ko sinasalita sa inyong mga anak na hindi nangakakilala, at hindi nangakakita ng parusa ng Panginoon ninyong Dios ng kaniyang kadakilaan, ng kaniyang makapangyarihang kamay at ng kaniyang unat na bisig,
3 At ng kaniyang mga tanda, at ng kaniyang mga gawa, na kaniyang ginawa sa gitna ng Egipto kay Faraon na hari sa Egipto, at sa kaniyang buong lupain;
4 At ang kaniyang ginawa sa hukbo ng Egipto, sa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo; kung paanong tinakpan niya sila ng tubig ng Dagat na Mapula nang kanilang habulin kayo, at kung paanong nilipol sila ng Panginoon sa araw na ito;
5 At kung ano ang kaniyang ginawa sa inyo sa ilang hanggang sa dumating kayo sa dakong ito;
6 At kung ano ang kaniyang ginawa kay Dathan at kay Abiram, na mga anak ni Eliab, na anak ni Ruben; kung paanong ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig, at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang kanilang mga tolda, at bawa't bagay na may buhay na sa kanila'y sumusunod sa gitna ng buong Israel:
7 Nguni't nakita ng inyong mga mata ang lahat ng dakilang gawa ng Panginoon na kaniyang ginawa.
8 Kaya't inyong susundin ang buong utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y lumakas at kayo'y pumasok at ariin ninyo ang lupain, na inyong tatawirin upang ariin;
9 At upang inyong maparami ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi na lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
10 Sapagka't ang lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, ay hindi gaya ng lupain ng Egipto, na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay;
11 Kundi ang lupain, na inyong tatawirin upang ariin, ay lupaing maburol at malibis, at dinidilig ng tubig ng ulan sa langit:
12 Lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Dios, at ang mga mata ng Panginoon mong Dios ay nandoong lagi, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon.
13 At mangyayari, na kung inyong didingging maigi ang aking mga utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios at siya'y paglingkuran ng buo ninyong puso, at ang buo ninyong kaluluwa,
14 Ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kaniyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong makamalig ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis.
15 At aking bibigyan ng damo ang iyong mga hayop sa iyong mga bukid, at ikaw ay kakain at mabubusog.
16 Mangagingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila;
17 At ang galit ng Panginoon ay magalab laban sa inyo, at kaniyang sarhan ang langit, upang huwag magkaroon ng ulan, at ang lupa'y huwag magbigay ng kaniyang bunga; at kayo'y malipol na madali sa mabuting lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.
18 Kaya't inyong ilalagak itong aking mga salita sa inyong puso, at sa inyong kaluluwa; at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo.
19 At inyong ituturo sa inyong mga anak, na inyong sasalitain sa kanila, pagka ikaw ay nauupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumalakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga, at pagka ikaw ay bumabangon.
20 At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay, at sa iyong mga pintuang-daan:
21 Upang ang inyong mga araw ay dumami at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa.
22 Sapagka't kung inyong susunding masikap ang buong utos na ito na aking iniuutos sa inyo upang gawin, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios, lumakad sa lahat ng kaniyang daan, at makilakip sa kaniya:
23 Ay palalayasin nga ng Panginoon ang lahat ng mga bansang ito sa harap ninyo, at kayo'y magaari ng mga bansang lalong malaki at lalong makapangyarihan kay sa inyo.
24 Bawa't dakong tutuntungan ng talampakan ng inyong paa ay magiging inyo: mula sa ilang, at sa Libano, mula sa ilog, sa ilog Eufrates, hanggang sa dagat kalunuran ay magiging inyong hangganan.
25 Walang lalaking makatatayo sa harap ninyo: sisidlan ng Panginoon ninyong Dios ng takot sa inyo at ng sindak sa inyo sa ibabaw ng buong lupain na inyong tutuntungan, gaya ng kaniyang sinalita sa inyo.
26 Narito, inilalagay ko sa harap ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa;
27 Ang pagpapala, kung inyong didinggin ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, na aking iniutos sa inyo sa araw na ito;
28 At ang sumpa, kung hindi ninyo didinggin ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, kundi kayo lilihis sa daan na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga dios, na hindi ninyo nangakilala.
29 At mangyayari, na pagka ikaw ay ipapasok ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, na iyong ilalagay ang pagpapala sa bundok ng Gerizim, at ang sumpa sa bundok ng Ebal.
30 Di ba sila'y nasa dako pa roon ng Jordan, sa dakong nilulubugan ng araw, sa lupain ng mga Cananeo na tumatahan sa Araba, sa tapat ng Gilgal na kasiping ng mga encina sa More?
31 Sapagka't kayo'y tatawid sa Jordan upang inyong pasukin na ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at inyong aariin, at tatahan kayo roon.
32 At inyong isasagawa ang lahat ng mga palatuntunan at mga kahatulan na aking iginagawad sa inyo sa araw na ito.