1 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila.
2 Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.
3 Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito.
4 Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy
5 (Ako'y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka't kayo'y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi,
6 Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.
7 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.
8 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:
9 Huwag mong yuyukuran sila o paglilingkuran man sila: sapagka't akong Panginoon mong Dios ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng nangapopoot sa akin;
10 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.
11 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.
12 Iyong ipagdiwang ang araw ng sabbath, upang ipangilin, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.
13 Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain:
14 Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anoman sa iyong hayop, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan; upang ang iyong aliping lalake at babae ay makapagpahingang gaya mo.
15 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios doon sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig: kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipangilin mo ang araw ng sabbath.
16 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios: upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
17 Huwag kang papatay.
18 Ni mangangalunya.
19 Ni magnanakaw.
20 Ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa.
21 Ni huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa, ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.
22 Ang mga salitang ito ay sinalita ng Panginoon sa buong kapisanan ninyo sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa salisalimuot na kadiliman, ng malakas na tinig: at hindi na niya dinagdagan pa. At kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay sa akin.
23 At nangyari, nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy, ay lumapit kayo sa akin, sa makatuwid baga'y ang lahat ng mga pangulo sa inyong mga lipi, at ang inyong mga matanda;
24 At inyong sinabi, Narito, ipinakita sa amin ng Panginoon nating Dios ang kaniyang kaluwalhatian at ang kaniyang kadakilaan, at aming narinig ang kaniyang tinig mula sa gitna ng apoy: aming nakita sa araw na ito, na ang Dios ay nakikipag-usap sa tao, at siya'y buhay.
25 Ngayon nga, bakit kami mamamatay? sapagka't pupugnawin kami ng dakilang apoy na ito: kung marinig pa namin ang tinig ng Panginoon nating Dios, ay mamamatay nga kami.
26 Sapagka't sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buhay na Dios na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay?
27 Lumapit ka, at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Dios: at iyong salitain sa amin, yaong lahat na sasalitain sa iyo ng Panginoon nating Dios; at aming didinggin, at gagawin.
28 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, nang kayo'y magsalita sa akin; at sinabi ng Panginoon sa akin, Aking narinig ang tinig ng mga salita ng bayang ito, na kanilang sinalita sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinalita.
29 Oh mamalagi nawa sa kanila ang kaloobang ito, na sila'y matakot sa akin, at kanilang ingatan kailan man ang lahat ng aking mga utos upang ikabuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailan man!
30 Yumaon ka, sabihin mo sa kanila, Magsibalik kayo sa inyong mga tolda.
31 Nguni't tungkol sa iyo, matira ka rito sa akin, at aking sasalitain sa iyo ang lahat ng utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iyong ituturo sa kanila, upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang ariin.
32 Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.
33 Kayo'y lalakad ng buong lakad na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, upang kayo'y mabuhay, at upang ikabuti ninyo, at upang inyong mapalawig ang inyong mga araw sa lupain na inyong aariin.