1 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
2 Sasagot ba ang isang pantas ng walang kabuluhang kaalaman, at pupunuin ang kaniyang tiyan ng hanging silanganan?
3 Makikipagmatuwiranan ba siya ng walang kapakinabangang pangungusap, o ng mga salita na hindi niya ikagagawa ng mabuti?
4 Oo, ikaw ay nagaalis ng katakutan, at iyong pinipigil ang dalangin sa harap ng Dios.
5 Sapagka't ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa iyong bibig, at iyong pinipili ang dila ng mapagkatha.
6 Ang iyong sariling bibig ang humahatol laban sa iyo, at hindi ako; Oo, ang iyong sariling mga labi ay nagpapatotoo laban sa iyo.
7 Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O nalabas ka bang una kay sa mga burol?
8 Iyo bang narinig ang lihim na payo ng Dios? At ikaw ba'y nagpigil ng karunungan sa iyong sarili?
9 Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawa mo na wala sa amin?
10 Kasama namin ay mga ulong may uban, at mga totoong napakatandang tao, matandang makapupo kay sa iyong ama.
11 Ang mga pagaliw ba ng Dios ay totoong kaunti pa sa ganang iyo, sa makatuwid baga'y ang salitang napakabuti sa iyo?
12 Bakit ka napadadala sa iyong puso? At bakit kumikindat ang iyong mga mata?
13 Na tinatalikdan mo ng iyong diwa ang Dios, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa iyong bibig.
14 Ano ang tao upang maging malinis? At siyang ipinanganak ng babae, upang siya'y maging matuwid?
15 Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga banal; Oo, ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.
16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!
17 Ipakikilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay aking ipahahayag:
18 (Ang isinaysay ng mga pantas na mula sa kanilang mga magulang, at hindi inilingid;
19 Sa mga yaon lamang ibinigay ang lupain, at walang taga ibang lupa na dumaan sa gitna nila:)
20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit lahat ng kaniyang araw, sa makatuwid baga'y ang bilang ng mga taon na itinakda sa mamimighati.
21 Ang hugong ng kakilabutan ay nasa kaniyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mga mananamsam:
22 Siya'y hindi naniniwala na babalik siya na mula sa kadiliman, at siya'y hinihintay ng tabak:
23 Siya'y gumagala dahil sa tinapay, na nagsasabi: Nasaan? Kaniyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kaniyang kamay:
24 Kapanglawan at kadalamhatian ay tumatakot sa kaniya: nangananaig laban sa kaniya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipagbaka;
25 Sapagka't iniuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Dios. At nagpapalalo laban sa Makapangyarihan sa lahat;
26 Tinatakbo niya siya na may mapagmatigas na leeg, sa kakapalan ng kaniyang mga kalasag;
27 Sapagka't tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan at nagpangulubot ng kaniyang mga pigi;
28 At siya'y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong tumatahan, na madaling magiging mga bunton.
29 Hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kaniyang pag-aari. Ni di lalawak sa lupa ang kaniyang mga tinatangkilik.
30 Siya'y hindi hihiwalay sa kadiliman; tutuyuin ng liyab ang kaniyang mga sanga, at sa pamamagitan ng hininga ng bibig ng Dios ay papanaw siya.
31 Huwag siyang tumiwala sa kalayawan na dayain ang sarili: sapagka't kalayawan ang magiging kagantihan sa kaniya.
32 Magaganap ito bago dumating ang kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang sanga ay hindi mananariwa.
33 Lalagasin niya ang kaniyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kaniyang bulaklak na gaya ng olibo.
34 Sapagka't ang pulutong ng mga di banal ay hindi lalago, at susupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35 Sila'y nag-iisip ng pagapi at naglalabas ng kasamaan, at ang kanilang kalooban ay naghahanda ng pagdaraya.