1 Si Eliu rin naman ay nagpatuloy at nagsabi,
2 Pagdalitaan mo akong sandali, at aking ipakikilala sa iyo; sapagka't mayroon pa akong masasalita sa pagsasanggalang sa Dios.
3 Dadalhin ko ang aking kaalaman mula sa malayo, at aking itutungkol ang katuwiran sa Maylalang sa akin.
4 Sapagka't tunay na ang aking mga salita ay hindi kabulaanan: Siyang sakdal sa kaalaman ay sumasaiyo.
5 Narito ang Dios ay makapangyarihan, at hindi humahamak sa kanino man; siya'y makapangyarihan sa lakas ng unawa.
6 Hindi niya pinanatili ang buhay ng masama: nguni't nagbibigay ng matuwid sa napipighati.
7 Hindi niya inihihiwalay ang kaniyang mga mata sa matuwid: kundi kasama ng mga hari sa luklukan, kaniyang itinatatag sila magpakailan man, at sila'y natataas.
8 At kung sila'y mapapangaw, at mapipigil sa mga panali ng kapighatian;
9 Itinuturo nga niya sa kanila ang kanilang gawa, at ang kanilang mga pagsalangsang na kanilang pinalalo.
10 Ibinubuka rin naman niya ang kanilang pakinig sa turo, at iniuutos na sila'y magsihiwalay sa kasamaan.
11 Kung sila'y makinig at maglingkod sa kaniya, kanilang gugugulin ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at ang kanilang mga taon sa kasayahan.
12 Nguni't kung hindi sila mangakinig, sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, at sila'y mangamamatay na walang kaalaman.
13 Nguni't ang di banal sa puso ay nagbubunton ng galit: hindi humihiyaw sila ng saklolo pagka tinatalian niya sila.
14 Sila'y nangamamatay sa kabataan, at ang kanilang buhay ay napapahamak sa gitna ng marumi.
15 Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang pagkapighati, at ibinubuka ang kanilang mga pakinig sa pagkapighati.
16 Oo, hahanguin ka niya mula sa kagipitan, hanggang sa luwal na dako na walang kagipitan; at ang malalagay sa iyong dulang ay mapupuno ng katabaan.
17 Nguni't ikaw ay puspos ng kahatulan ng masama: kahatulan at kaganapan ang humahawak sa iyo.
18 Sapagka't may poot, magingat ka baka ikaw ay iligaw ng iyong kasiyahan; ni mailigaw ka man ng kalakhan ng katubusan.
19 Mapapaari ba ang iyong sigaw na ikaw ay hindi mapapasa kapanglawan, O ang madlang lakas man ng iyong kalakasan?
20 Huwag mong nasain ang gabi, pagka ang mga bayan ay nangahiwalay sa kanilang kinaroroonang dako.
21 Ikaw ay magingat, huwag mong lingunin ang kasamaan; sapagka't ito'y iyong pinili sa halip ng kadalamhatian.
22 Narito, ang Dios ay gumagawa ng mainam sa kaniyang kapangyarihan: sinong tagapagturo ang gaya niya?
23 Sinong nagguhit sa kaniya ng kaniyang daan? O sinong makapagsasabi, ikaw ay gumawa ng kalikuan?
24 Alalahanin mo na iyong dinakila ang kaniyang gawa, na inawit ng mga tao.
25 Lahat ng mga tao'y nakakita noon; makikita ito ng tao sa malayo.
26 Narito, ang Dios ay dakila, at hindi natin nakikilala siya; hindi masayod ang bilang ng kaniyang mga taon.
27 Sapagka't pinailanglang niya ang mga patak ng tubig, na nagiging ulan mula sa singaw na yaon:
28 Na ibinubuhos ng mga langit at ipinapatak na sagana sa tao.
29 Oo, may makakaunawa ba ng paglaganap ng mga alapaap, ng mga kulog ng kaniyang kulandong?
30 Narito, pinalalaganap niya ang kaniyang liwanag sa palibot niya; at inaapawan ang kalaliman ng dagat.
31 Sapagka't sa pamamagitan ng mga ito ay hinahatulan niya ang mga bayan; siya'y nagbibigay ng pagkaing sagana.
32 Tinatakpan niya ang kaniyang mga kamay ng kidlat; at ibinilin sa kidlat na tumama sa pinakatanda.
33 Ang hugong niyaon ay nagsasaysay ng tungkol sa kaniya, ang hayop nama'y ng tungkol sa bagyo na dumarating.