Home

Isaias

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51 52 53 54 55 56 57 58 59 60 61 62 63 64 65 66


-Reset+

Kabanata 11

1 At may lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga:
2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
3 At ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon: at hindi siya hahatol ng ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ng ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga:
4 Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.
5 At katuwiran ang magiging bigkis ng kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.
6 At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang leon, at ang patabain na magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.
7 At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping: at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
8 At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
10 At mangyayari, sa araw na yaon na ang angkan ni Isai, na tumatayong pinakawatawat ng mga bayan, hahanapin ng mga bansa; at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati.
11 At mangyayari, sa araw na yaon, na ilalapag ng Panginoon uli ang kaniyang kamay na ikalawa upang mabawi ang nalabi sa kaniyang bayan na malalabi, mula sa Asiria, at mula sa Egipto, at mula sa Patros, at mula sa Cus, at mula sa Elam, at mula sa Sinar, at mula sa Amath, at mula sa mga pulo ng dagat.
12 At siya'y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa.
13 Ang inggit naman ng Ephraim ay maaalis, at ang mga lumiligalig ng Juda ay mahihiwalay: ang Ephraim ay hindi maiinggit sa Juda, at ang Juda ay hindi liligalig sa Ephraim.
14 At sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kalunuran; magkasamang sasamsam sila sa mga anak ng silanganan: kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
15 At lubos na sisirain ng Panginoon ang look ng dagat ng Egipto; at iwawaswas ang kaniyang kamay sa Ilog ng kaniyang malakas na hangin, at papagpipituhing batis, at palalakarin ang mga tao na hindi basa ang mga paa.
16 At magkakaroon ng isang lansangan sa nalabi sa kaniyang bayan, na malalabi, mula sa Asiria; gaya ng nagkaroon sa Israel ng araw na siya'y umahon mula sa lupain ng Egipto.