1 Ang hula tungkol sa Tiro. Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis; sapagka't nasira, na anopa't walang bahay, walang pasukan: mula sa lupain ng Chittim ay nahayag sa kanila.
2 Magsitahimik kayo, kayong mga nananahan sa baybayin; ikaw na pinasagana ng mga mangangalakal ng Sidon, na nagdaraan sa dagat.
3 At nasa baybayin ng malawak na tubig ang binhi ng Sihor, ang ani ng Nilo, naging kaniyang pakinabang; at siya'y naging pamilihan ng mga bansa.
4 Mahiya ka, O Sidon: sapagka't sinalita ng dagat, ng tanggulan ng dagat, na sinasabi, hindi ako nagdamdam, o nanganak man, o nagalaga man ako ng mga binata, o nagpalaki ng mga dalaga.
5 Pagka ang balita ay dumating sa Egipto, ay mamamanglaw silang mainam sa balita tungkol sa Tiro.
6 Mangagpatuloy kayo sa Tarsis: magsiangal kayo, kayong mga nananahan sa baybayin.
7 Ito baga ang inyong masayang bayan, na matanda na mula pa noong unang araw, na dinadala ng kaniyang mga paa sa malayo upang mangibang bayan?
8 Sinong nagpanukala nito laban sa Tiro na siyang bayang nagpuputong, na ang mga manininda ay mga pangulo, na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
9 Pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian, upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa?
10 Magdaan ka sa iyong lupain na gaya ng Nilo, Oh anak na babae ng Tarsis; wala ka ng lakas.
11 Kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa dagat, kaniyang niyanig ang mga kaharian: ang Panginoon ay nagutos tungkol sa Canaan, upang gibain ang mga kuta niyaon.
12 At kaniyang sinabi, Ikaw ay hindi na magagalak pa, Oh ikaw na aping dalaga ng Sidon; bumangon ka, magdaan ka sa Chittim: doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.
13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo; ang bayang ito ay wala na; inilaan ng taga Asiria para sa mga hayop sa ilang; kanilang itinayo ang kanilang mga moog; iginiba nila ang mga palacio niyaon: kaniyang pinapaging isang guho.
14 Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis: sapagka't ang inyong tanggulan ay giba.
15 At mangyayari, sa araw na yaon na ang Tiro ay malilimutang pitong pung taon, ayon sa mga kaarawan ng isang hari: pagkatapos ng pitong pung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng patutot.
16 Ikaw ay humawak ng alpa, lumibot ka sa bayan, ikaw na patutot na nalimutan; magpainam ka ng tinig, umawit ka ng maraming awit, upang ikaw ay maalaala.
17 At mangyayari, sa katapusan ng pitong pung taon, na dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at pagbabalikan niya ang kaniyang upa, at magiging patutot sa lahat ng kaharian ng sanglibutan sa ibabaw ng lupa.
18 At ang kaniyang kalakal at ang upa sa kaniya ay itatalaga sa Panginoon: hindi itatago o isisimpan man, sapagka't ang kaniyang kalakal ay magiging sa ganang kanila na nagsisitahan sa harap ng Panginoon, upang magsikaing may kabusugan, at manamit na mainam.