1 Kung ikaw ay manunumbalik, Oh Israel, sabi ng Panginoon, kung ikaw ay manunumbalik sa akin, at kung iyong aalisin ang iyong mga kasuklamsuklam sa aking paningin; hindi ka nga makikilos;
2 At ikaw ay susumpa, Buhay ang Panginoon, sa katotohanan, sa kahatulan, at sa katuwiran; at ang mga bansa ay magiging mapalad sa kaniya, at sa kaniya luluwalhati sila.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, sa mga tao ng Juda at ng Jerusalem, Inyong bungkalin ang inyong binabayaang bukiran, at huwag kayong maghasik sa gitna ng mga tinik.
4 Magsipagtuli kayo para sa Panginoon, at inyong alisin ang mga kasamaan ng inyong puso, ninyong mga tao ng Juda at mga nananahan sa Jerusalem; baka ang aking kapootan ay sumigalbo na parang apoy, at magningas na walang makapatay, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.
5 Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin, Inyong hipan ang pakakak sa lupain: magsihiyaw kayo ng malakas, at inyong sabihin, Magpisan kayo, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan.
6 Kayo'y mangagtaas ng watawat sa dako ng Sion: kayo'y magsitakas sa ikatitiwasay, huwag kayong magsitigil: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan mula sa hilagaan, at ng malaking paglipol.
7 Ang isang leon ay sumampa mula sa kaniyang kagubatan, at ang manglilipol ng mga bansa; siya'y nasa kaniyang paglalakad, siya'y lumabas mula sa kaniyang dako, upang sirain ang iyong lupain, upang ang iyong mga bayan ay mangalagay na sira na walang mananahan.
8 Dahil dito ay mangagbigkis kayo ng kayong magaspang, kayo'y magsipanaghoy at magsipanangis; sapagka't ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi humihiwalay sa atin.
9 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na ang puso ng hari ay mapapahamak, at ang puso ng mga prinsipe: at ang mga saserdote ay mangatitigilan, at ang mga propeta ay mangamamangha.
10 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios: tunay na iyong dinayang lubha ang bayang ito at ang Jerusalem, na iyong sinabi, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan: gayon man ang tabak ay tumatalab sa buhay.
11 Sa panahong yaon ay sasabihin sa bayang ito at sa Jerusalem, Isang mainit na hangin na mula sa mga luwal na kaitaasan sa ilang ay dumating sa anak ng aking bayan, hindi upang sumimoy, o maglinis man:
12 Isang malakas na hangin na mula sa mga ito ay darating sa akin: ngayo'y magsasalita naman ako ng mga kahatulan laban sa kanila.
13 Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.
14 Oh Jerusalem, hugasan mo ang iyong puso sa kasamaan, upang ikaw ay maligtas. Hanggang kailan titigil sa loob mo ang iyong mga masamang pagiisip?
15 Sapagka't isang tinig ay nagpapahayag mula sa Dan, at nagbabalita ng kasamaan, mula sa mga burol ng Ephraim.
16 Inyong banggitin sa mga bansa: narito, inyong ibalita laban sa Jerusalem, na ang mga bantay ay nanggagaling sa malayong lupain, at inihihiyaw nila ang kanilang tinig laban sa mga bayan ng Juda.
17 Sila'y gaya ng mga bantay sa parang, laban sa kaniya sa palibot, sapagka't siya'y naging mapanghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Ang iyong lakad at ang iyong mga gawa ay nagsikap ng mga bagay na ito sa iyo: ito ang iyong kasamaan; sapagka't napakasama, sapagka't tinataglay ng iyong puso.
19 Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.
20 Kagibaan at kagibaan ang inihihiyaw; sapagka't ang buong lupain ay nasira: biglang nangasira ang aking mga tolda, at ang aking mga tabing sa isang sandali.
21 Hanggang kailan makikita ko ang watawat, at maririnig ang tunog ng pakakak?
22 Sapagka't ang bayan ko ay hangal, hindi nila ako nakikilala; sila'y mga mangmang na anak, at sila'y walang unawa; sila'y pantas sa paggawa ng masama, nguni't sa paggawa ng mabuti ay wala silang kaalaman.
23 Aking minasdan ang lupa, at, narito, sira at walang laman; at ang langit ay walang liwanag.
24 Aking minasdan ang mga bundok, at narito, nagsisiyanig, at ang lahat na burol ay nagsisiindayon.
25 Ako'y nagmasid, at, narito, walang tao, at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nangakatakas.
26 Ako'y nagmasid, at, narito, ang mainam na parang ay ilang, at, lahat ng mga bayan niyaon ay nangasira sa harapan ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang mabangis na galit.
27 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Ang buong lupain ay magiging sira; gayon ma'y hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan.
28 Dahil dito ay tatangis ang lupa, at ang langit sa itaas ay magiging maitim: sapagka't aking sinalita, aking pinanukala, at hindi ako nagsisi, o akin mang tatalikuran.
29 Ang buong bayan ay tumakas dahil sa hugong ng mga mangangabayo at ng mga mamamana; sila'y nagsipasok sa mga kagubatan, at nangagukyabit sa mga malaking bato; bawa't bayan ay napabayaan, at walang tao na tumatahan doon.
30 At ikaw, pagka ikaw ay napahamak, anong iyong gagawin? Bagaman ikaw ay nananamit ng mainam na damit na mapula; bagaman ikaw ay gumagayak ng mga kagayakang ginto, bagaman iyong pinalalaki ang iyong mga mata ng pinta, sa walang kabuluhan nagpapakaganda ka; hinahamak ka ng mga mangingibig sa iyo, pinagsisikapan nila ang iyong buhay.
31 Sapagka't ako'y nakarinig ng tinig na gaya ng sa babaing nagdaramdam, ng daing ng gaya ng sa nanganganak sa panganay, ng tinig ng anak na babae ng Sion, na nagsisikip ang hininga, na naguunat ng kaniyang mga kamay, na nagsasabi, Sa aba ko ngayon! sapagka't ang kaluluwa ko ay nanglulupaypay sa harap ng mga mamamatay tao.