Home

Jeremias

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51 52


-Reset+

Kabanata 46

1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa.
2 Tungkol sa Egipto: tungkol sa hukbo ni Faraon Nechao na hari sa Egipto, na nasa tabi ng ilog ng Eufrates sa Carchemis na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda.
3 Inyong iayos ang pansalag at kalasag, at kayo'y magsilapit sa pagbabaka.
4 Singkawan ninyo ang mga kabayo, at kayo'y magsisakay, kayong mga nangangabayo, at magsitayo kayong mga turbante; pakintabin ninyo ang mga sibat, at mangagsuot kayo ng sapyaw.
5 Bakit ko nakita? sila'y nanganglulupaypay at nagsisibalik; at ang kanilang mga makapangyarihan ay buwal, at nagsisitakas na maliksi, at hindi nagsisilingon: kakilabutan ay nasa bawa't dako, sabi ng Panginoon.
6 Huwag tumakas ang maliksi, o tumanan man ang makapangyarihan; sa hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates ay nangatisod sila at nangabuwal.
7 Sino itong bumabangon na parang Nilo na ang mga tubig ay nagiinalong parang mga ilog?
8 Ang Egipto ay bumabangong parang Nilo, at ang tubig ay nagiinalong parang mga ilog: at kaniyang sinasabi, Ako'y babangon, aking tatakpan ang lupa; aking ipapahamak ang bayan at ang mga mananahan doon.
9 Kayo'y magsisampa, kayong mga kabayo; at kayo'y magsihagibis, kayong mga karo; at magsilabas ang mga lalaking makapangyarihan: ang Cus at ang Phut, na humahawak ng kalasag; at ang mga Ludio, na nagsisihawak at nangagaakma ng busog.
10 Sapagka't ang araw na yaon ay sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, araw ng panghihiganti, upang maipanghiganti niya siya sa kaniyang mga kaaway: at ang tabak ay lalamon at mabubusog, at magpapakalango sa dugo nila: sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, may hain sa lupaing hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates.
11 Sumampa ka sa Galaad, at kumuha ka ng balsamo, Oh anak na dalaga ng Egipto: sa walang kabuluhan gumagamit ka ng maraming gamot; hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan, at ang lupa ay puno ng iyong hiyaw, sapagka't ang makapangyarihan ay natisod laban sa makapangyarihan, sila'y nangabuwal kapuwa na magkasama.
13 Ang salita na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, kung paanong si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay darating, at sasaktan ang lupain ng Egipto.
14 Ipahayag ninyo sa Egipto, at inyong ihayag sa Migdol, at inyong ihayag sa Memphis, at sa Taphnes: sabihin ninyo, Tumayo ka, at humanda ka; sapagka't ang tabak ay nanakmal sa palibot mo.
15 Bakit ang iyong mga malakas ay napaalis? sila'y hindi nagsitayo, sapagka't itinaboy ng Panginoon.
16 Kaniyang itinisod ang marami, oo, sila'y nangabuwal na patongpatong, at kanilang sinabi, Bumangon ka, at magsiparoon tayo uli sa ating sariling bayan, at sa lupain na kinapanganakan sa atin, mula sa mapagpighating tabak.
17 Sila'y nagsihiyaw roon, Si Faraong hari sa Egipto ay isang hugong lamang; kaniyang pinaraan ang takdang panahon.
18 Buhay ako, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo, tunay na kung paano ang Tabor sa gitna ng mga bundok, at kung paano ang Carmel sa tabi ng dagat, gayon siya darating.
19 Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Egipto, gumayak ka sa pagpasok sa pagkabihag; sapagka't ang Memphis ay masisira, at magniningas na mawawalan ng mananahan.
20 Ang Egipto ay napakagandang dumalagang baka; nguni't pagkasirang mula sa hilagaan ay dumarating, dumarating.
21 Ang kaniya namang mga taong upahan sa gitna niya ay parang mga guya sa kulungan; sapagka't sila man ay nagsibalik, sila'y nagsitakas na magkakasama, sila'y hindi nagsitayo: sapagka't ang kaarawan ng kanilang kasakunaan ay dumating sa kanila, ang panahon ng pagdalaw sa kanila.
22 Ang hugong niyaon ay yayaong parang ahas; sapagka't sila'y magsisiyaong kasama ng hukbo, at magsisiparoong laban sa kaniya na mga may palakol, na parang mga mamumutol ng kahoy.
23 Kanilang puputulin ang kaniyang gubat, sabi ng Panginoon, bagaman mahirap pasukin; sapagka't sila'y higit kay sa mga balang, at walang bilang.
24 Ang anak na babae ng Egipto ay malalagay sa kahihiyan; siya'y mabibigay sa kamay ng bayan ng hilagaan.
25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan si Amon na taga No, at si Faraon, at ang Egipto, sangpu ng kaniyang mga dios at ng kaniyang mga hari; maging si Faraon, at silang nagsisitiwala sa kaniya:
26 At aking ibibigay sila sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang mga buhay, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kaniyang mga lingkod; at pagkatapos ay tatahanan na gaya ng mga araw nang una, sabi ng Panginoon.
27 Nguni't huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, ni manglupaypay ka, Oh Israel: sapagka't narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong lahi ay mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.
28 Huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y sumasaiyo: sapagka't ako'y gagawa ng lubos na kawakasan sa lahat ng bansa na aking pinagtabuyan sa iyo; nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo, kundi sasawayin kita ng kahatulan, at hindi kita iiwan sa anomang paraan ng walang kaparusahan.