Home

Mga Gawa

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28


-Reset+

Kabanata 15

1 At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas.
2 At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito.
3 Sila nga, palibhasa'y inihatid ng iglesia sa kanilang paglalakbay, ay tinahak ang Fenicia at Samaria, na isinasaysay ang pagbabalik-loob ng mga Gentil: at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4 At nang sila'y magsidating sa Jerusalem, ay tinanggap sila ng iglesia at ng mga apostol at ng mga matanda, at isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa pamamagitan nila.
5 Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises.
6 At nangagkatipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pagusapan ang bagay na ito.
7 At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya.
8 At ang Dios, na nakatataho ng puso, ay nagpatotoo sa kanila, na sa kanila'y ibinigay ang Espiritu Santo, na gaya naman ng kaniyang ginawa sa atin;
9 At tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso.
10 Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala?
11 Datapuwa't naniniwala tayo na tayo'y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila.
12 At nagsitahimik ang buong karamihan; at kanilang pinakinggan si Bernabe at si Pablo na nagsisipagsaysay ng mga tanda at ng mga kababalaghang ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila.
13 At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako:
14 Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan.
15 At dito'y nasasangayon ang mga salita ng mga propeta; gaya ng nasusulat,
16 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo:
17 Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan,
18 Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una.
19 Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios;
20 Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo.
21 Sapagka't si Moises mula nang unang panahon ay mayroon sa bawa't bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa'y binabasa sa mga sinagoga sa bawa't sabbath.
22 Nang magkagayo'y minagaling ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesia, na magsihirang ng mga tao sa kanilang magkakasama, at suguin sa Antioquia na kasama ni Pablo at ni Bernabe; si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas na mga nangungulo sa mga kapatid:
23 At nagsisulat sila sa pamamagitan nila, Ang mga apostol at ang mga matanda, mga kapatid, sa mga kapatid na nangasa mga Gentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati:
24 Sapagka't aming nabalitaan na ang ilang nagsialis sa amin ay nangangbagabag sa inyo ng mga salita, na isininsay ang inyong mga kaluluwa; na sa kanila'y hindi kami nangagutos ng anoman;
25 Ay minagaling namin, nang mapagkaisahan na, na magsihirang ng mga lalake at suguin sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na si Bernabe at si Pablo,
26 Na mga lalaking nangagsapanganib ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.
27 Kaya nga sinugo namin si Judas at si Silas, na mangagsasaysay din naman sila sa inyo ng gayon ding mga bagay sa salita ng bibig.
28 Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan:
29 Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo.
30 Kaya nga, nang sila'y mapayaon na, ay nagsilusong sa Antioquia; at nang matipon na nila ang karamihan, ay kanilang ibinigay ang sulat.
31 At nang ito'y kanilang mabasa na, ay nangagalak dahil sa pagkaaliw.
32 Si Judas at si Silas, palibhasa'y mga propeta rin naman, ay inaralan ang mga kapatid ng maraming mga salita, at sila'y pinapagtibay.
33 At nang sila'y makapaggugol na ng ilang panahon doon, ay payapang pinapagbalik sila ng mga kapatid sa mga nagsipagsugo sa kanila.
34 Datapuwa't minagaling ni Silas ang matira roon.
35 Datapuwa't nangatira si Pablo at si Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon, na kasama naman ng ibang marami.
36 At nang makaraan ang ilang araw ay sinabi ni Pablo kay Bernabe, Pagbalikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa bawa't bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang lagay nila.
37 At inibig ni Bernabe na kanilang isama naman si Juan, na tinatawag na Marcos.
38 Datapuwa't hindi minagaling ni Pablo na isama nila ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia, at hindi sumama sa kanila sa gawain.
39 At nagkaroon ng pagtatalo, ano pa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at lumayag sa Chipre:
40 Datapuwa't hinirang ni Pablo si Silas, at yumaon, na sila'y ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.
41 At kaniyang tinahak ang Siria at Cilicia, na pinagtitibay ang mga iglesia.