Home

Mga Gawa

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28


-Reset+

Kabanata 9

1 Datapuwa't si Saulo, na sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon, ay naparoon sa dakilang saserdote,
2 At humingi sa kaniya ng mga sulat sa Damasco sa mga sinagoga, upang kung siya'y makasumpong ng sinoman sa mga nasa Daan, maging mga lalake o mga babae, ay kaniya silang madalang gapos sa Jerusalem.
3 At sa kaniyang paglalakad, ay nangyari na siya'y malapit sa Damasco: at pagdaka'y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit:
4 At siya'y nasubasob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na sa kaniya'y nagsasabi, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?
5 At sinabi niya, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig:
6 Nguni't magtindig ka, at ikaw ay pumasok sa bayan, at sasalitain sa iyo ang dapat mong gawin.
7 At ang mga taong kasama niya sa paglalakad ay nangatilihan na hindi makapagsalita, na naririnig ang tinig, datapuwa't walang nakikitang sinoman.
8 At nagtindig sa lupa si Saulo; at pagkadilat ng kaniyang mga mata, ay di siya nakakita ng anoman; at kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.
9 At siya'y tatlong araw na walang paningin, at hindi kumain ni uminom man.
10 Ngayon nga'y may isang alagad sa Damasco, na nagngangalang Ananias; at sinabi sa kaniya ng Panginoon sa pangitain, Ananias. At sinabi niya, Narito ako, Panginoon.
11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon sa lansangang tinatawag na Matuwid, at ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isa na nagngangalang Saulo, lalaking taga Tarso: sapagka't narito, siya'y nananalangin;
12 At nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, upang tanggapin niya ang kaniyang paningin.
13 Nguni't sumagot si Ananias, Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang tungkol sa taong ito, kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem:
14 At dito siya'y may kapahintulutan ng mga pangulong saserdote na gapusin ang lahat ng mga nagsisitawag sa iyong pangalan.
15 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka't siya'y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel:
16 Sapagka't sa kaniya'y aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan.
17 At umalis si Ananias at pumasok sa bahay; at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya na sinabi, Kapatid na Saulo, ang Panginoon, sa makatuwid baga'y si Jesus, na sa iyo'y napakita sa daan na iyong pinanggalingan, ay nagsugo sa akin, upang tanggapin mo ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.
18 At pagdaka'y nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis, at tinanggap niya ang kaniyang paningin; at siya'y nagtindig at siya'y binautismuhan;
19 At siya'y kumain at lumakas. At siya'y nakisamang ilang araw sa mga alagad na nangasa Damasco.
20 At pagdaka'y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios.
21 At ang lahat ng sa kaniya'y nakarinig ay namangha, at nangagsabi, Hindi baga ito yaong sa Jerusalem ay lumipol sa mga nagsitawag sa pangalang ito? at sa ganitong nasa ay naparito siya, upang sila'y dalhing gapos sa harap ng mga pangulong saserdote.
22 Datapuwa't lalo nang lumakas ang loob ni Saulo, at nilito ang mga Judio na nangananahan sa Damasco, na pinatutunayan na ito ang Cristo.
23 At nang maganap ang maraming mga araw, ay nangagsanggunian ang mga Judio upang siya'y patayin:
24 Datapuwa't napagtalastas ni Saulo ang kanilang banta. At kanilang binantayan naman ang mga pintuang daan sa araw at gabi upang siya'y kanilang patayin:
25 Nguni't kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kuta na siya'y inihugos na nasa isang balaong.
26 At nang siya'y dumating sa Jerusalem, ay pinagsikapan niyang makipisan sa mga alagad: at silang lahat ay nangatakot sa kaniya, sa di paniniwala na siya'y alagad,
27 Datapuwa't kinuha siya ni Bernabe, at siya'y iniharap sa mga apostol, at sa kanila'y isinaysay kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, at kinausap siya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.
28 At siya'y kasamasama nila, na pumapasok at lumalabas sa Jerusalem,
29 Na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon: at siya'y nagsalita at nakipagtuligsaan sa mga Greco-Judio; datapuwa't pinagpipilitan nilang siya'y mapatay.
30 At nang maalaman ito ng mga kapatid, ay inihatid nila siya sa Cesarea, at siya'y sinugo nila sa Tarso.
31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan ang iglesia sa buong Judea at Galilea at Samaria palibhasa'y pinagtibay; at, sa paglakad na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ay nagsisidami.
32 At nangyari, na sa paglalakad ni Pedro sa lahat ng dako, siya'y naparoon naman sa mga banal na nangananahan sa Lidda.
33 At doo'y natagpuan niya ang isang lalake na nagngangalang Eneas, na walo nang taong sumasabanig; sapagka't siya'y lumpo.
34 At sinabi sa kaniya ni Pedro, Eneas, pinagagaling ka ni Jesucristo: magtindig ka, at husayin mo ang iyong higaan. At pagdaka'y nagtindig siya.
35 At siya'y nakita ng lahat ng mga nangananahan sa Lidda at sa Sarona, at sila'y nangagbalik-loob sa Panginoon.
36 Ngayon ay may isang alagad sa Joppe na nagngangalang Tabita, na ang kahuluga'y Dorcas: ang babaing ito'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkaawang gawa na kaniyang ginagawa.
37 At nangyari nang mga araw na yaon, na siya'y nagkasakit, at namatay: at nang siya'y mahugasan na nila, ay kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.
38 At sapagka't malapit ang Lidda sa Joppe, pagkabalita ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, ay nangagsugo sa kaniya ng dalawa katao, na ipinamamanhik sa kaniya, Huwag kang magluwat ng pagparito sa amin.
39 At nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. At pagdating niya, ay inihatid nila sa silid sa itaas: at siya'y niligid ng lahat ng mga babaing bao, na nagsisitangis, at ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa ni Dorcas, nang ito'y kasama pa nila.
40 Datapuwa't pinalabas silang lahat ni Pedro, at lumuhod, at nanalangin; at pagbaling sa bangkay ay kaniyang sinabi, Tabita, magbangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya.
41 At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya'y itinindig; at tinawag ang mga banal at ang mga babaing bao, at siya'y iniharap niyang buhay.
42 At ito'y nabansag sa buong Joppe: at marami ang mga nagsisampalataya sa Panginoon.
43 At nangyari, na siya'y nanahang maraming mga araw sa Joppe, na kasama ni Simong mangluluto ng balat.