1 Nguni't nangyari pagkatapos ng sangdaling panahon, sa panahon ng pagaani ng trigo, na dumalaw si Samson na may dalang isang anak ng kambing sa kaniyang asawa; at kaniyang sinabi, Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid. Nguni't ayaw papasukin siya ng kaniyang biyanang lalake.
2 At sinabi ng kaniyang biyanang lalake, Aking tunay na inisip na iyong lubos na kinapootan siya; kaya't aking ibinigay siya sa iyong kasama: di ba ang kaniyang kapatid na bata ay maganda kay sa kaniya? Isinasamo ko sa iyo na kunin mong kahalili niya.
3 At sinabi ni Samson sa kanila, Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.
4 At yumaon si Samson at humuli ng tatlong daang zorra at kumuha ng mga sigsig at pinag-kabitkabit ang mga buntot, at nilagyan ng isang sigsig sa gitna ng pagitan ng bawa't dalawang buntot.
5 At nang kaniyang masulsulan ang mga sigsig, ay kaniyang binitiwan sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at sinunog kapuwa ang mga mangdala at ang nakatayong trigo, at gayon din ang mga olibohan.
6 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, Sinong gumawa nito? At kanilang sinabi, Si Samson na manugang ni Timnateo, sapagka't kaniyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kaniyang kasama. At sumampa ang mga Filisteo, at sinunog ang babae at ang kaniyang ama.
7 At sinabi ni Samson sa kanila, Kung ginawa ninyo ang ganito ay walang pagsalang aking igaganti sa inyo; at pagkatapos ay magtitigil ako.
8 At sinaktan niya sila, sa hita at sasapnan ng di kawasang pagpatay: at siya'y bumaba at tumahan sa isang guwang ng bato ng Etam.
9 Nang magkagayo'y nagsisampa ang mga Filisteo, at humantong sa Juda, at nagsikalat sa Lehi.
10 At sinabi ng mga lalake sa Juda, Bakit kayo nagsisampa laban sa amin? At kanilang sinabi, Upang gapusin si Samson kung kaya't kami ay nagsisampa upang gawin sa kaniya ang gaya ng ginawa niya sa amin.
11 Nang magkagayo'y ang tatlong libong lalake sa Juda ay nagsilusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, Hindi mo ba nalalaman na ang mga Filisteo ay nagpupuno sa atin? ano nga itong ginawa mo sa amin? At sinabi niya sa kanila, Kung paano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.
12 At sinabi nila sa kaniya, Kami ay nagsilusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo. At sinabi ni Samson sa kanila, Sumumpa kayo sa akin, na hindi kayo ang dadaluhong sa akin.
13 At sinalita nila sa kaniya, Hindi kundi gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay: nguni't tunay na hindi ka namin papatayin. At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid, at iniahon mula sa bato.
14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay naghihiyawan samantalang sinasalubong nila siya: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging parang lino na nasupok sa apoy, at ang kaniyang mga tali ay nalaglag sa kaniyang mga kamay.
15 At siya'y nakasumpong ng isang bagong panga ng asno, at iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha, at ipinanakit sa isang libong lalake.
16 At sinabi ni Samson, Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntonbunton, Sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay nanakit ako ng isang libong lalake.
17 At nangyari, pagkatapos niyang makapagsalita, na kaniyang inihagis ang panga na nasa kaniyang kamay, at ang dakong yao'y tinawag na Ramath-lehi.
18 At siya'y nauhaw na mainam at tumawag sa Panginoon, at sinabi, Iyong ibinigay itong dakilang kaligtasan sa kamay ng iyong lingkod: at ngayo'y mamamatay ako dahil sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli.
19 Nguni't binuksan ng Dios ang isang guwang na nasa Lehi, at nilabasan ng tubig yaon; at nang siya'y makainom, ang kaniyang diwa ay nanumbalik, at siya'y nabuhay: kaya't ang pangalan niyaon ay tinawag na En-haccore, na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.
20 At siya'y naghukom sa Israel sa mga kaarawan ng mga Filisteo, ng dalawang pung taon.