1 At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Aod.
2 At ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari sa Canaan, na naghahari sa Asor; na ang puno sa hukbong yaon ay si Sisara, na siyang tumatahan sa Haroseth ng mga bansa.
3 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon: sapagka't siya'y may siyam na raan na karong bakal; at dalawang pung taong pinighati niyang mainam ang mga anak ni Israel.
4 Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidoth, ay naghukom sa Israel nang panahong yaon.
5 At siya'y tumahan sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Beth-el, sa lupaing maburol ng Ephraim; at sinampa siya ng mga anak ni Israel upang pahatol.
6 At kaniyang ipinatawag si Barac, na anak ni Abinoam mula sa Cedes-nephtali, at sinabi sa kaniya, Hindi ba ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagutos na sinasabi, Yumaon ka, at pumaroon ka sa bundok ng Tabor, at magsama ka ng sangpung libong lalake sa mga anak ni Nephtali at sa mga anak ni Zabulon?
7 At aking isusulong sa iyo sa ilog Cison, si Sisara, na puno sa hukbo ni Jabin, pati ng kaniyang mga karo at ng kaniyang karamihan; at aking ibibigay siya sa iyong kamay.
8 At sinabi ni Barac sa kaniya, Kung ikaw ay sasama sa akin ay paroroon nga ako: nguni't kung hindi ka sasama sa akin, ay hindi ako paroroon.
9 At kaniyang sinabi, Walang pagsalang sasama ako sa iyo: gayon ma'y ang lakad na iyong ipagpapatuloy ay hindi magiging sa iyong kapurihan; sapagka't ipagbibili ng Panginoon si Sisara sa kamay ng isang babae. At si Debora ay tumindig at sumama kay Barac sa Cedes.
10 At tinawag ni Barac ang Zabulon at ang Nephtali na magkasama sa Cedes; at doo'y umahon ang sangpung libong lalake na kasunod niya: at si Debora ay umahong kasama niya.
11 Si Heber nga na Cineo ay humiwalay sa mga Cineo, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Hobab, na biyanan ni Moises, at itinayo ang kaniyang tolda hanggang sa encina sa Zaananim, na nasa siping ng Cedes.
12 At kanilang isinaysay kay Sisara na si Barac na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor.
13 At pinapagpisang magkakasama ni Sisara ang lahat niyang mga karo, na siyam na raang karong bakal, at ang buong bayan na kasama niya, mula sa Haroseth ng mga bansa hanggang sa ilog Cison.
14 At sinabi ni Debora kay Barac, Tumindig ka; sapagka't ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisara sa iyong kamay: hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo? Sa gayo'y lumusong si Barac mula sa bundok ng Tabor, at sangpung libong lalake ang kasunod niya.
15 At nilansag ng Panginoon si Sisara, at lahat ng mga karo niya, at ang buong hukbo niya, ng talim ng tabak sa harap ni Barac; at lumunsad si Sisara sa kaniyang karo, at tumakas na tumakbo.
16 Nguni't hinabol ni Barac ang mga karo, at ang hukbo, hanggang sa Haroseth ng mga bansa: at ang buong hukbo ni Sisara ay nahulog sa talim ng tabak; walang lalaking nalabi.
17 Gayon ma'y tumakas si Sisara na tumakbo sa tolda ni Jael na asawa ni Heber na Cineo; sapagka't may kapayapaan si Jabin na hari sa Asor at ang sangbahayan ni Heber na Cineo.
18 At sinalubong ni Jael si Sisara, at sinabi sa kaniya, Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin: huwag kang matakot. At siya'y lumiko sa kaniya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang banig.
19 At sinabi niya sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na bigyan mo ako ng kaunting tubig na mainom; sapagka't ako'y nauuhaw. At binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at pinainom niya siya, at tinakpan siya.
20 At sinabi ni Sisara sa kaniya, Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at mangyayari, na pagka ang sinoman ay darating at magtatanong sa iyo, at magsasabi, May tao ba riyan? na iyong sasabihin, Wala.
21 Nang magkagayo'y kumuha si Jael na asawa ni Heber ng isang tulos ng tolda, at kumuha ng isang pamukpok sa kaniyang kamay at naparoong dahandahan sa kaniya, at itinusok ang tulos sa kaniyang pilipisan, at pinalagpasan siya hanggang sa lupa; sapagka't siya'y nakatulog ng mahimbing; sa gayo'y nanglupaypay siya at namatay.
22 At, narito, sa paraang hinahabol ni Barac si Sisara, ay lumabas si Jael na sinalubong siya, at sinabi sa kaniya: Parito ka, at ituturo ko sa iyo ang lalake na iyong hinahanap. At siya'y naparoon sa kaniya, at, narito, si Sisara ay nakabulagtang patay, at ang tulos ay nasa kaniyang ulo.
23 Gayon pinasuko ng Dios nang araw na yaon si Jabin na hari sa Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.
24 At nanaig ang kamay ng mga anak ni Israel ng higit at higit laban kay Jabin na hari sa Canaan, hanggang sa naigiba nila si Jabin na hari sa Canaan.