1 Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel: at nang panahong yaon ay humahanap ang lipi ng mga Danita, ng isang mana na matatahanan; sapagka't hanggang sa araw na yaon, ay hindi nahuhulog sa mga lipi ng Israel ang kanilang mana.
2 At ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalake ng kanilang angkan, sa kanilang kabuoang bilang, ng mga lalaking may tapang, na mula sa Sora, at sa Esthaol, upang tiktikan ang lupain, at kilalanin; at sinabi nila sa kanila, Kayo'y yumaon, at inyong kilalanin ang lupain. At sila'y naparoon sa lupaing maburol ng Ephraim, sa bahay ni Michas, at tumuloy roon.
3 Nang sila'y malapit sa bahay ni Michas, ay nakilala nila ang tinig ng binatang Levita: at sila'y lumiko roon, at sinabi nila sa kaniya, Sinong nagdala sa iyo rito? at ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? at anong mayroon ka rito?
4 At sinabi niya sa kanila, Ganito't ganito ang ginawa sa akin ni Michas, at kaniyang kinayaring upahan ako, at ako'y naging kaniyang saserdote.
5 At sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na usisain mo sa Dios, upang aming maalaman, kung ang aming lakad ay papalarin.
6 At sinabi ng saserdote sa kanila, Yumaon kayong payapa: nasa harap ng Panginoon ang daang inyong nilalakaran.
7 Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalake at dumating sa Lais, at nakita ang bayan na naroon, kung paanong sila'y tumatahan sa katiwasayan, na gaya ng mga Sidonio, na tahimik at tiwasay: sapagka't wala sa lupain na nagaaring may kapangyarihan na makapagbibigay kahihiyan sa alin mang bagay, at malayo sa mga Sidonio, at walang pagkikipagkasundo sa kaninoman.
8 At sila'y naparoon sa kanilang mga kapatid sa Sora at Esthaol: at sinabi ng kanilang mga kapatid sa kanila, Ano kayo?
9 At kanilang sinabi, Kayo'y bumangon at tayo'y umahon laban sa kanila: sapagka't aming nakita ang lupain, at, narito, napakabuti: at natatamad ba kayo? huwag kayong magmakupad na yumaon at pumasok upang ariin ang lupain.
10 Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang tiwasay, at ang lupain ay malaki: sapagka't ibinigay ng Dios sa inyong kamay, isang dakong walang kakailanganing anomang bagay na nasa lupa.
11 At umalis mula roon ang ilan sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Esthaol, na anim na raang lalake na may sandata ng mga kasakbatan na pangdigma.
12 At sila'y yumaon, at humantong sa Chiriath-jearim, sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Mahane-dan hanggang sa araw na ito: narito, ito'y nasa likod ng Chiriath-jearim.
13 At sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at naparoon sa bahay ni Michas.
14 Nang magkagayo'y sumagot ang limang lalake na tumiktik ng lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, Nalalaman ba ninyo na mayroon sa mga bahay na ito na isang epod, at mga terap, at isang larawang inanyuan, at isang larawang binubo? ngayon nga'y akalain ninyo ang marapat ninyong gawin.
15 At sila'y lumiko roon, at naparoon sa bahay ng binatang Levita, sa makatuwid baga'y hanggang sa bahay ni Michas, at tinanong nila siya ng kaniyang kalagayan.
16 At ang anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatan na pangdigma, na pawang mga anak ni Dan, ay nagsitayo sa pasukan ng pintuang-bayan.
17 At ang limang lalake na yumaong tumiktik ng lupain ay nagsiahon at pumasok doon, at kinuha ang larawang inanyuan, at ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, at ang saserdote ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatang pangdigma.
18 At nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Michas, at makuha ang larawang inanyuan, ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, ay sinabi ng saserdote sa kanila, Ano ang inyong gagawin?
19 At sinabi nila sa kaniya, Pumayapa ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig at sumama ka sa amin, at maging ama at saserdote ka namin: magaling ba kaya sa iyo ang maging saserdote sa bahay ng isang lalake o maging saserdote sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?
20 At natuwa ang puso ng saserdote, at kaniyang kinuha ang epod, at ang mga terap, at ang larawang inanyuan, at yumaon sa gitna ng bayan.
21 Sa gayo'y bumalik sila, at yumaon, at inilagay ang mga bata at ang kawan, at ang mga daladalahan, sa unahan nila.
22 Nang sila'y malayo na sa bahay ni Michas, ang mga lalaking nasa mga bahay na kalapit ng bahay ni Michas ay nagpipisan at inabot ang mga anak ni Dan.
23 At kaniyang sinigawan ang mga anak ni Dan. At inilingon nila ang kanilang mga mukha, at sinabi kay Michas, Anong mayroon ka, na ikaw ay nagpisan ng ganyang pulutong?
24 At kaniyang sinabi, Inyong kinuha ang aking mga dios na aking ginawa, at ang saserdote, at kayo'y yumaon, at ano pang mayroon ako? at bakit nga sasabihin ninyo sa akin, Anong mayroon ka?
25 At sinabi ng mga anak ni Dan sa kaniya, Huwag ng marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mga mapusok na kasama, at iyong iwala ang iyong buhay, pati ng buhay ng iyong sangbahayan.
26 At ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad: at nang makita ni Michas na sila'y totoong malakas kay sa kaniya, ay bumalik at umuwi sa kaniyang bahay.
27 At kanilang kinuha ang ginawa ni Michas, at ang saserdote na kaniyang tinatangkilik, at naparoon sa Lais, sa bayang tahimik at tiwasay, at sinaktan nila ng talim ng tabak: at sinunog nila ang bayan.
28 At walang magligtas, sapagka't malayo sa Sidon, at sila'y walang pakikipagkasundo sa kanino man, at nasa libis na lumalaganap sa dakong Bethrehob. At kanilang itinayo ang bayan, at tinahanan nila.
29 At kanilang tinawag na Dan ang pangalan ng bayan, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel: gayon ma'y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais.
30 At itinayo sa kanilang sarili ng mga anak ni Dan ang larawang inanyuan: at si Jonathan na anak ni Gerson, na anak ni Moises, siya at ang kaniyang mga anak ay siyang mga saserdote sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw ng pagkabihag sa lupain.
31 Gayon nila itinayo ang larawang inanyuan ni Michas na kaniyang ginawa, sa buong panahon na ang bahay ng Dios ay nasa Silo.