1 Si Manases ay may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi-ba.
2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
3 Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama; at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal, at gumawa ng Asera, gaya ng ginawa ni Achab na hari sa Israel, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa kanila.
4 At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.
5 At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.
6 At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at nagpamahiin, at nagsanay ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.
7 At siya'y naglagay ng larawang inanyuan na Asera, na kaniyang ginawa, sa bahay na pinagsabihan ng Panginoon kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat na lipi ng Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man.
8 At hindi ko na pagagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, kung kanila lamang tutuparing gawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.
9 Nguni't hindi nila dininig: at hinikayat sila ni Manases na gumawa ng lalong masama kay sa ginawa ng mga bansa, na pinaglipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na nagsasabi,
11 Sapagka't ginawa ni Manases na hari sa Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaan na higit kay sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na una sa kaniya, at ipinapagkasala sa Juda naman sa pamamagitan ng kaniyang mga diosdiosan:
12 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang ganiyang kasamaan sa Jerusalem at sa Juda, na sinomang makabalita ay magpapanting ang dalawang tainga.
13 At aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang pabato ng bahay ni Achab: at aking lilinisin ang Jerusalem gaya ng paglilinis ng isang tao ng isang pinggan, na nililinis at itinataob.
14 At aking ihihiwalay ang nalabi sa aking mana, at aking ibibigay sa kamay ng kanilang mga kaaway: at sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang kaaway.
15 Sapagka't gumawa sila ng masama sa aking paningin at minungkahi nila ako sa galit, mula nang araw na ang kanilang mga magulang ay magsilabas sa Egipto, hanggang nga sa araw na ito.
16 Bukod dito'y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kaniyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila; bukod sa kaniyang sala na kaniyang ipinapagkasala sa Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon.
17 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang sala na kaniyang ipinagkasala, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
18 At si Manases ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa halamanan ng kaniyang sariling bahay, sa halamanan ng Uzza: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
19 Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Mesalemeth na anak ni Harus na taga Jotba.
20 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama.
21 At siya'y lumakad ng buong lakad na inilakad ng kaniyang ama, at naglingkod sa mga diosdiosan na pinaglingkuran ng kaniyang ama, at sinamba niya ang mga yaon:
22 At binayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.
23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsipagbanta laban sa kaniya, at pinatay ang hari sa kaniyang sariling bahay.
24 Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipagbanta laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.
25 Ang iba nga sa mga gawa ni Amon na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
26 At siya'y nalibing sa kaniyang libingan sa halamanan ng Uzza; at si Josias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.