Home

2 Mga Hari

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25


-Reset+

Kabanata 4

1 Sumigaw nga kay Eliseo ang isang babae na isa sa mga asawa ng mga anak ng mga propeta, na nagsasabi, Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na: at iyong talastas na ang iyong lingkod ay natakot sa Panginoon: at ang pinagkautangan ay naparito upang kuning alipinin niya ang aking dalawang anak.
2 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Anong gagawin ko sa iyo? saysayin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay? At sinabi niya, Ang iyong lingkod ay walang anomang bagay sa bahay liban sa isang palyok na langis.
3 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ikaw ay yumaon, manghiram ka ng mga sisidlan sa labas sa lahat ng iyong mga kapitbahay, sa makatuwid baga'y ng mga walang lamang sisidlan; huwag kang manghiram ng kaunti.
4 At ikaw ay papasok, at ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong ibubuhos ang langis sa lahat ng sisidlang yaon; at iyong itatabi ang mapuno.
5 Sa gayo'y nilisan niya siya, at siya at ang kaniyang mga anak ay nagsara ng pintuan; kanilang dinala ang mga sisidlan sa kaniya, at kaniyang pinagbuhusan.
6 At nangyari, nang mapuno ang mga sisidlan, na kaniyang sinabi sa kaniyang anak, Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan. At sinabi niya sa kaniya: Wala pang sisidlan. At ang langis ay tumigil.
7 Nang magkagayo'y naparoon siya, at kaniyang isinaysay sa lalake ng Dios. At kaniyang sinabi, ikaw ay yumaon, ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong utang, at mabuhay ka at ang iyong mga anak sa nalabi.
8 At nangyari, isang araw na si Eliseo ay nagdaan sa Sunem, na kinaroroonan ng isang dakilang babae; at pinilit siya niya na kumain ng tinapay. At nagkagayon, na sa tuwing siya'y daraan doon ay lumiliko roon upang kumain ng tinapay.
9 At sinabi niya sa kaniyang asawa, Narito ngayon, aking nahahalata na ito'y isang banal na lalake ng Dios na nagdadaan sa ating palagi.
10 Isinasamo ko sa iyo na tayo'y gumawa ng isang maliit na silid sa pader; at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, at ng isang dulang, at ng isang upuan, at ng isang kandelero: at mangyayari, pagka siya'y dumarating sa atin, na siya'y papasok doon.
11 At nangyari, isang araw, na siya'y dumating doon, at siya'y lumiko na pumasok sa silid, at nahiga roon.
12 At sinabi niya kay Giezi na kaniyang lingkod, Tawagin mo ang Sunamitang ito. At nang matawag niya, siya'y tumayo sa harap niya.
13 At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo ngayon sa kaniya, Narito, ikaw ay naging maingat sa amin ng buong pagiingat na ito; ano nga ang magagawa sa iyo? ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong kawal ng hukbo? At siya'y sumagot, Ako'y tumatahan sa gitna ng aking sariling bayan.
14 At kaniyang sinabi, Ano nga ang magagawa sa kaniya? At sumagot si Giezi. Katotohanang siya'y walang anak, at ang kaniyang asawa ay matanda na.
15 At kaniyang sinabi, Tawagin siya. At nang kaniyang tawagin siya, siya'y tumayo sa pintuan.
16 At kaniyang sinabi, Sa panahong ito, pagpihit ng panahon, ikaw ang kakalong ng isang anak na lalake. At kaniyang sinabi, Hindi panginoon ko, ikaw na lalake ng Dios huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.
17 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake nang panahong yaon, nang ang panahon ay makapihit gaya ng sinabi ni Eliseo sa kaniya.
18 At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya'y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas.
19 At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina.
20 At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya'y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo'y namatay.
21 At siya'y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.
22 At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli.
23 At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti.
24 Nang magkagayo'y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.
25 Sa gayo'y yumaon siya at naparoon sa lalake ng Dios sa bundok ng Carmelo. At nangyari, nang makita siya ng lalake ng Dios sa malayo, na kaniyang sinabi kay Giezi na kaniyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita:
26 Tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kaniya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata? At siya'y sumagot, Mabuti.
27 At nang siya'y dumating sa lalake ng Dios sa burol, siya'y humawak sa kaniyang mga paa. At lumapit si Giezi upang ihiwalay siya; nguni't sinabi ng lalake ng Dios: Bayaan siya; sapagka't siya'y namamanglaw; at inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi isinaysay sa akin.
28 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?
29 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Giezi, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinomang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinoman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.
30 At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At siya'y tumindig, at sumunod sa kaniya.
31 At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; nguni't wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya't siya'y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kaniya, na nagsabi, Ang bata'y hindi magising.
32 At nang si Eliseo ay dumating sa bahay, narito, ang bata'y patay, at nakahiga sa kaniyang higaan.
33 Siya'y pumasok nga at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at dumalangin sa Panginoon.
34 At siya'y sumampa, at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kaniyang bibig sa bibig niya, at ang kaniyang mga mata sa mga mata niya, at ang kaniyang mga kamay sa mga kamay niya: at siya'y dumapa sa kaniya; at ang laman ng bata ay uminit.
35 Nang magkagayo'y bumalik siya, at lumakad sa bahay na paroo't parito na minsan; at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya: at ang bata'y nagbahing makapito, at idinilat ng bata ang kaniyang mga mata.
36 At tinawag niya si Giezi, at sinabi, Tawagin mo ang Sunamitang ito. Sa gayo'y tinawag niya siya. At nang siya'y pumaroon sa kaniya, sinabi niya, Kalungin mo ang iyong anak.
37 Nang magkagayo'y pumasok siya at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong niya ang kaniyang anak, at umalis.
38 At si Eliseo ay bumalik sa Gilgal: at may kagutom sa lupain; at ang mga anak ng mga propeta ay nangakaupo sa harap niya: at sinabi niya sa kaniyang lingkod: Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng lutuin ang mga anak ng mga propeta.
39 At ang isa ay lumabas sa bukid upang manguha ng mga gugulayin, at nakasumpong ng isang baging gubat, at namitas doon ng mga kalabasang gubat na ang kaniyang kandungan ay napuno, at bumalik at pinagputolputol sa palayok ng lutuin: sapagka't hindi nila nalalaman.
40 Sa gayo'y kanilang ibinuhos para sa mga tao upang kanin. At nangyari, samantalang sila'y nagsisikain ng lutuin, na sila'y nagsisigaw, at nagsipagsabi, Oh lalake ng Dios, may kamatayan sa palayok. At hindi nakain yaon.
41 Nguni't kaniyang sinabi, Magdala nga rito ng harina. At kaniyang isinilid sa palayok; at kaniyang sinabi, Ibuhos ninyo para sa bayan, upang sila'y makakain. At wala nang makasasama sa palayok.
42 At dumating ang isang lalake na mula sa Baal-salisa, at nagdala sa lalake ng Dios ng tinapay ng mga unang bunga, na dalawang pung tinapay na sebada, at mga murang uhay ng trigo na nangasa kaniyang bayong. At kaniyang sinabi, Ibigay mo sa bayan, upang kanilang makain.
43 At sinabi ng kaniyang lingkod: Ano, ilalapag ko ba ito sa harap ng isang daang tao? Nguni't kaniyang sinabi, Ibigay sa bayan upang kanilang makain; sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Sila'y kakain, at magtitira niyaon.
44 Sa gayo'y inilapag niya sa harap nila, at sila'y nagsikain, at nagsipagtira niyaon, ayon sa salita ng Panginoon.