1 Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.
2 At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
3 At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.
4 At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito't ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel.
5 At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya'y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.
6 At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong.
7 At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.
8 At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.
9 Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.
11 Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.
12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.
13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?
14 Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
15 At siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya'y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.
16 Nguni't kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, na nakatayo ako sa harap niya, wala akong tatanggapin. At ipinilit niya sa kaniyang kunin; nguni't siya'y tumanggi.
17 At sinabi ni Naaman, Kung hindi, isinasamo ko pa sa iyo, na bigyan ko ang iyong lingkod ng lupang mapapasan ng dalawang mula; sapagka't ang iyong lingkod buhat ngayon ay hindi maghahandog ng handog na susunugin o hain man sa ibang mga dios, kundi sa Panginoon.
18 Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod, pagka ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimmon upang sumamba roon, at siya'y umagapay sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimmon, pagyukod ko sa bahay ni Rimmon, na patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa bagay na ito.
19 At sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay yumaong payapa. Sa gayo'y nilisan niya siya ng may aguwat na kaunti.
20 Nguni't si Giezi, na lingkod ni Eliseo na lalake ng Dios, ay nagsabi, Narito, pinalagpas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga Siria, sa di pagtanggap sa kaniyang mga kamay ng kaniyang dala; buhay ang Panginoon, tatakbuhin ko siya, at kukuha ako ng anoman sa kaniya.
21 Sa gayo'y sinundan ni Giezi si Naaman, at nang makita ni Naaman na isa'y humahabol sa kaniya, siya'y bumaba sa karo na sinalubong niya, at sinabi, Lahat ba'y mabuti?
22 At kaniyang sinabi, Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon, na sinabi, Narito, dumating sa akin ngayon mula sa lupaing maburol ng Ephraim ang dalawang binata sa mga anak ng mga propeta: isinasamo ko sa iyo na bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pangpalit na bihisan.
23 At sinabi ni Naaman, Matuwa ka, kunin mo ang dalawang talento. At ipinilit niya sa kaniya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, sangpu ng dalawang pangpalit na bihisan, at mga ipinasan sa dalawa sa kaniyang mga bataan; at dinala nila sa unahan niya.
24 At nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya sa kanilang kamay, at itinago niya sa bahay: at pinayaon niya ang mga lalake, at sila'y nagsiyaon.
25 Nguni't siya'y pumasok at tumayo sa harap ng kaniyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Saan ka nanggaling Giezi? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.
26 At kaniyang sinabi, Hindi ba sumasa iyo ang aking puso nang ang lalake ay bumalik mula sa kaniyang karo na sinasalubong ka? panahon ba ng pagtanggap ng salapi, at pagtanggap ng bihisan, at ng mga olibohan, at ng mga ubasan, at ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga aliping lalake at babae?
27 Ang ketong nga ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailan man. At siya'y umalis sa kaniyang harapan na may ketong na kasingputi ng niebe.