1 Bakit ka tumatayong malayo, Oh Panginoon? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?
2 Sa kapalaluan ng masama ang dukha ay hinahabol na mainam; mahuli nawa sila sa mga lalang na kanilang inakala.
3 Sapagka't ang masama ay nagmamalaki sa nais ng kaniyang puso, at ang mapagimbot ay nagtatakuwil, oo, nagwawalang kabuluhan sa Panginoon.
4 Ang masama, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay nagsasabi, hindi niya sisiyasatin. Lahat niyang pagiisip ay, walang Dios.
5 Ang kaniyang mga lakad ay panatag sa lahat ng panahon; ang iyong mga kahatulan ay malayong totoo sa kaniyang paningin: tungkol sa lahat niyang mga kaaway, tinutuya niya sila.
6 Sinasabi niya sa kaniyang puso, Hindi ako makikilos: sa lahat ng sali't saling lahi ay hindi ako malalagay sa karalitaan.
7 Ang kaniyang bibig ay puno ng panunungayaw, at pagdaraya, at pang-aapi: sa ilalim ng kaniyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya'y nauupo sa mga pinakasulok na dako ng mga nayon: sa mga kubling dako ay pinapatay niya ang walang sala; ang kaniyang mga mata ay natititig laban sa walang nagkakandili.
9 Siya'y bumabakay sa kubli, na parang leon sa kaniyang lungga: siya'y nagaabang upang hulihin ang dukha: hinuhuli niya ang dukha, pagka kaniyang dinadala siya sa silo niya.
10 Siya'y naninibasib, siya'y nagpapakaliit, at ang mga walang nagkakandili ay nangahuhulog sa kaniyang mga malakas.
11 Sinasabi niya sa kaniyang puso: ang Dios ay nakalimot: kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, hindi na niya makikita kailan man.
12 Bumangon ka, Oh Panginoon, Oh Dios, itaas mo ang iyong kamay: huwag mong kalimutan ang dukha.
13 Bakit sinusumpa ng masama ang Dios, at nagsasabi sa kaniyang puso: hindi mo sisiyasatin?
14 Iyong nakita; sapagka't iyong minamasdan ang pahirap at pangduduwahagi upang mapasa iyong kamay: ang walang nagkakandili ay napakukupkop sa iyo; ikaw ay naging tagakandili sa ulila.
15 Baliin mo ang bisig ng masama: at tungkol sa masamang tao, pag-usigin mo ang kaniyang kasamaan hanggang sa wala ka nang masumpungan.
16 Ang Panginoon ay Hari magpakailan-kailan man. Ang mga bansa ay nalilipol sa kaniyang lupain.
17 Panginoon, iyong narinig ang nasa ng mga maamo: iyong ihahanda ang kanilang puso, iyong pakikinggan ng iyong pakinig:
18 Upang hatulan ang ulila at ang napipighati, upang huwag nang makapangilabot ang tao na taga lupa.