1 Oh Dios, huwag kang tumahimik: huwag kang mapayapa, at tumiwasay, Oh Dios.
2 Sapagka't narito, ang mga kaaway mo'y nanggugulo: at silang nangagtatanim sa iyo ay nangagtaas ng ulo.
3 Sila'y nagsisitanggap ng payong may katusuhan laban sa iyong bayan, at nangagsanggunian laban sa iyong nangakakubli.
4 Kanilang sinabi, Kayo'y parito, at atin silang ihiwalay sa pagkabansa; upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalaala pa.
5 Sapagka't sila'y nangagsangguniang magkakasama na may isang pagkakaayon; laban sa iyo ay nangagtitipanan:
6 Ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita; ang Moab at ang mga Agareno;
7 Ang Gebal, at ang Ammon, at ang Amalec; ang Filisteo na kasama ng mga taga Tiro:
8 Pati ng Asiria ay nalalakip sa kanila; kanilang tinulungan ang mga anak ni Lot.
9 Gumawa ka sa kanila ng gaya sa Madianita; gaya kay Sisara, gaya kay Jabin, sa ilog ng Cison:
10 Na nangamatay sa Endor; sila'y naging parang dumi sa lupa.
11 Gawin mo ang kanilang mga maginoo na gaya ni Oreb at ni Zeeb; Oo, lahat nilang mga pangulo ay gaya ni Zeba at ni Zalmuna;
12 Na siyang nagsipagsabi, kunin natin para sa atin na pinakaari ang mga tahanan ng Dios.
13 Oh Dios ko, gawin mo silang parang ipoipong alabok; Parang dayami sa harap ng hangin.
14 Parang apoy na sumusunog ng gubat, at parang liyab na nanunupok ng mga bundok;
15 Kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo, at pangilabutin mo sila ng iyong unos.
16 Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan; upang hanapin nila ang iyong pangalan, Oh Panginoon.
17 Mangapahiya sila at manganglupaypay magpakailan man; Oo, mangahiya sila at mangalipol:
18 Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay Kataastaasan sa buong lupa.