1 Oh Dios, bakit mo itinakuwil kami magpakailan man? Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapisanan na iyong binili ng una, na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana; at ang bundok ng Sion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga paa sa mga walang hanggang guho, ang lahat na kasamaang ginawa ng kaaway sa santuario.
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisiangal sa gitna ng iyong kapulungan; kanilang itinaas ang kanilang mga watawat na pinakatanda.
5 Sila'y tila mga tao na nangagtaas ng mga palakol sa mga kakahuyan.
6 At ngayo'y lahat ng gawang inanyuan doon. Kanilang pinagputolputol ng palakol at ng mga pamukpok.
7 Kanilang sinilaban ng apoy ang iyong santuario; kanilang dinumhan ang tahanang dako ng iyong pangalan hanggang sa lupa.
8 Kanilang sinabi sa kanilang puso, ating gibaing paminsan: kanilang sinunog ang lahat na sinagoga ng Dios sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga tanda: Wala nang propeta pa; at wala mang sinoman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 Hanggang kailan, Oh Dios, mangduduwahagi ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailan man?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay, ang iyong kanan? Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila.
12 Gayon ma'y ang Dios ay aking Hari ng una, na nagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Iyong hinawi ang dagat sa iyong kalakasan: iyong pinagbasag ang mga ulo ng mga buwaya sa mga tubig.
14 Iyong pinagputolputol ang mga ulo ng leviatan, ibinigay mo siya na pagkain sa bayan na tumatahan sa ilang.
15 Ikaw ay nagbukas ng bukal at ilog: iyong tinutuyo ang mga malaking ilog.
16 Ang araw ay iyo, ang gabi ay iyo rin: iyong inihanda ang liwanag at ang araw.
17 Iyong inilagay ang lahat ng mga hangganan ng lupa: iyong ginawa ang taginit at taginaw.
18 Iyong alalahanin ito, na nangduwahagi ang kaaway, Oh Panginoon, at nilapastangan ng mangmang na bayan ang iyong pangalan.
19 Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop: huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man.
20 Magkaroong pitagan ka sa tipan: sapagka't ang mga madilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan.
21 Oh huwag bumalik na may kahihiyan ang naaapi: pupurihin ng dukha at mapagkailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, Oh Dios, ipaglaban mo ang iyong sariling usap: alalahanin mo kung paanong dinuduwahagi ka ng mangmang buong araw.
23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kaaway: ang ingay niyaong nagsisibangon laban sa iyo ay patuloy na lumalala.