Home

Mga Hebreo

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13


-Reset+

Kabanata 12

1 Kaya't yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa't pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin,
2 Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.
3 Sapagka't dilidilihin ninyo yaong nagtiis ng gayong pagsalangsang ng mga makasalanan laban sa kaniyang sarili, upang kayo'y huwag magsihina, na manglupaypay sa inyong mga kaluluwa.
4 Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipagaway laban sa kasalanan:
5 At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya;
6 Sapagka't pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa't tinatanggap na anak.
7 Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?
8 Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay?
10 Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan.
11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.
12 Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig;
13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling.
14 Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito'y sinoman ay di makakakita sa Panginoon:
15 Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo'y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito'y mahawa ang marami;
16 Baka magkaroon ng sinomang mapakiapid, o mapaglapastangan, gaya ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang sariling pagkapanganay.
17 Sapagka't nalalaman ninyo na bagama't pagkatapos ay ninanasa niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil; sapagka't wala na siyang nasumpungang pagkakataon ng pagsisisi sa kaniyang ama, bagama't pinagsisikapan niyang mapilit na lumuluha.
18 Sapagka't hindi kayo nagsilapit sa bundok na nahihipo, at nagliliyab sa apoy, at sa kapusikitan, at sa kadiliman, at sa unos,
19 At tunog ng pakakak, at tinig ng mga salita; na ang nakarinig ng tinig na ito ay nagsipamanhik na huwag nang sa kanila'y salitain pa ang anomang salita;
20 Sapagka't hindi matiis ang iniuutos, Kahit ang isang hayop kung tumungtong sa bundok ay babatuhin;
21 At totoong kakilakilabot ang napanood, ano pa't sinabi ni Moises, Ako'y totoong nasisindak at nanginginig:
22 Datapuwa't nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel,
23 Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal,
24 At kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at dugong pangwisik na nagsasalita ng lalong mabuti kay sa dugo ni Abel.
25 Pagingatan ninyong kayo'y huwag tumanggi sa nagsasalita. Sapagka't kung hindi nakatanan ang mga nagsitanggi sa nagbalita sa kanila sa ibabaw ng lupa, ay lalo pa tayong hindi makatatanan na nagsisihiwalay Doon sa nagbabalitang buhat sa langit:
26 Na ang tinig na yaon ay nagpayanig noon ng lupa: datapuwa't ngayo'y nangako siya, na nagsasabi, Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ng langit.
27 At itong salita, Minsan pang, ay pinakakahuluganan ang pagaalis niyaong mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang mamalagi ang mga hindi niyanig.
28 Kaya't pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios:
29 Sapagka't ang Dios natin ay isang apoy na mamumugnaw.