Home

Mga Hebreo

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13


-Reset+

Kabanata 13

1 Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid.
2 Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka't sa pamamagitan nito ang iba'y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel.
3 Alalahanin ninyo ang mga may tanikala, gaya ng kayo'y nangagagapos na kasama nila; ang mga tinatampalasan na gaya ng kayo naman ay tinatampalasan sa katawan.
4 Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan: sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios.
5 Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka't siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.
6 Ano pa't ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?
7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.
8 Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man.
9 Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.
10 Tayo ay may isang dambana, na hindi matuwid kainan ng mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo.
11 Sapagka't ang mga katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng dakilang saserdote sa dakong banal na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento.
12 Kaya naman si Jesus, upang mapaging banal sa pamamagitan ng kanilang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuan.
13 Atin nga siyang labasin sa labas ng kampamento na dalhin natin ang kaniyang pagkadusta.
14 Sapagka't dito'y wala tayong bayan na namamalagi, nguni't hinahanap natin ang bayan na darating.
15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.
16 Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.
17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.
18 Idalangin ninyo kami: sapagka't kami'y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.
19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako'y masauli na lalong madali sa inyo.
20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus,
21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
22 Datapuwa't ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salitang iniaral: sapagka't kayo'y sinulatan ko ng ilang salita.
23 Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinawalan na; na kung siya'y dumating na madali, kayo'y makikita kong kasama niya.
24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namiminuno sa inyo, at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng nangasa Italia.
25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Siya nawa.