Home

Mga Hebreo

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13


-Reset+

Kabanata 6

1 Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios,
2 Ng aral na tungkol sa mga paglilinis, at ng pagpapatong ng mga kamay, at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, at ng paghuhukom na walang hanggan.
3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Dios.
4 Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo,
5 At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,
6 At saka nahiwalay sa Dios ay di maaaring baguhin silang muli sa pagsisisi; yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.
7 Sapagka't ang lupang humitit ng ulang madalas na lumalagpak sa kaniya, at tinutubuan ng mga damong pakikinabangan ng mga yaon na dahil sa kanila'y binukid, ay tumanggap ng pagpapalang mula sa Dios:
8 Datapuwa't kung namumunga ng mga tinik at dawag, ay itinatakuwil at malapit sa sumpa; at ang kaniyang kahihinatnan ay ang sunugin.
9 Nguni't, mga minamahal, naniniwala kaming lubos sa magagaling na bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na kalakip ng pagkaligtas, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito:
10 Sapagka't ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo'y nagsisipaglingkod kayo.
11 At ninanasa namin na ang bawa't isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa hanggang sa katapusan:
12 Na huwag kayong mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana ng mga pangako.
13 Sapagka't nang mangako ang Dios kay Abraham, palibhasa'y hindi niya maipanumpa ang anomang lalong mataas, ay ipinanumpa ang kaniyang sarili,
14 Na sinasabi, Tunay sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.
15 At sa ganito, nang makapaghintay na may pagtitiis, ay nagtamo siya ng pangako.
16 Sapagka't ipinanunumpa ng mga tao ang lalong mataas: at sa bawa't pagtatalo nila'y ang sumpa sa pagpapatotoo ang siyang katapusan.
17 Sa ganito, sa pagkaibig ng Dios na maipakitang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya, ay ipinamagitan ang sumpa;
18 Upang sa dalawang bagay na di mababago, na diya'y di maaaring ang Dios ay magbulaan, ay mangagkaroon tayo ng isang matibay na kasiglahan, tayong nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pagasang nalalagay sa ating unahan:
19 Na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag at pumapasok sa nasa loob ng tabing;
20 Na doo'y pumasok dahil sa atin si Jesus, na gaya ng pangunahin, na naging dakilang saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.